Mga tanong at sagot tungkol sa HIV/AIDS

MULA nang isulat ko dito sa aking column ang HIV/AIDS, maraming nag-e-mail sa akin at  nagtatanong tungkol sa sakit na ito. Tatlo sa kanila ay ini-refer ko sa aking kaibigang NGO na HIV/AIDS Prevention Project - Philip­pine Rural Reconstruction Movement (HAPP-PRRM), pero syempre, pinanatili ko ang confidentiality nila dahil ito ay maselang usapin.

Isinulat ko sa nakaraan kong kolum ang tanong ni Bhel. Narito ang dalawa pa sa nag-e-mail sa akin.

Mula kay Analyn: Ano po ang symptoms to both girls and boys na may HIV/AIDS? May gamot na ba sa sakit na ito? Kung may ganitong sakit ang isang tao, ano ang dapat niyang gawin? Paano ito maiiwasan?

Mula kay Meldy: Gusto ko po sanang humingi ng kaalaman tungkol sa HIV/AIDS, ano ang mga sanhi, at paano nalalaman ang taong may sakit nito?

Narito ang sagot ng HAPP-PRRM community out­reach worker na si Ms. Yda de Guia (puwede siyang makontak sa HAPP-PRRM telephone nos. 3712107, o e-mail: ydablade_18@yahoo.com)

Bhel, sa pangamba mo na meron kang STD o STI, dapat ay magpakonsulta ka muna bago ka uminom ng anumang gamot. Ang STD/STI ay may iba’t  ibang uri, sintomas at komplikasyon. Malay mo, baka hindi iyan STI kundi ibang impeksyon. Puwede kang magtanong sa VD clinics.

Analyn at Meldy, ang HIV at AIDS ay asymptomatic, ibig sabihin, ang tao na mayroon nito ay walang sintomas na nararamdaman o naki­kita, at hindi rin malalaman sa panlabas niyang anyo. Pero kapag malala na ito, sari-saring impeksyon at pagkakasakit na ang da­dapo sa kanya. Wala pang gamot ang HIV at AIDS pero puwedeng mapigil ang paglala nito kapag ma­agang na-checkup. Ito ay kara­niwang nakukuha at naipa­pasa sa maling pagta­talik, heringgilya, at iba pang pagsasalin ng likido ng katawan. Maiiwa­san ito sa tulong ng wastong ka­alaman.

Sa bahagi ng inyong lingkod, pinaaasikaso ko sa aking panganay na anak na si Senate president pro-tempore Jinggoy Estrada ang pagtitiyak ng mga hak­bangin ng pamahalaan  sa problema sa HIV/AIDS, partikular sa malawak na information drive tungkol dito.

* * *

Para sa mga suhestiyon o komento, maari kayong mag-e-mail sa doktora_ng_ masa@yahoo.com.ph

Show comments