SALAMAT at nagbigay na ng katiyakan si COMELEC Chair Benjamin Abalos na tuloy na tuloy na ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre 9. Nagkaroon kasi ng mga espekulasyon na baka ito’y ma-postpone na naman o kaya’y tuluyang makansela.
Mayroon kasing mga mambabatas na diumano’y gustong kanselahin ang eleksyon. Kesyo malaki raw ang inaasahang budget deficit ng pamahalaan at malamang lumubha pa ang inflation kung gagastos na naman ang pamahalaan para sa isang eleksyon.
Tinawagan daw ni House Speaker Joe de Venecia si COMELEC chair Ben Abalos para sabihin ang “lumalaking” bilang ng mga mambabatas na gustong ipagpaliban, o tuluyang kanselahin ang eleksyon. Tanong ng barbero kong si Mang Gustin, “ano na naman kaya ang secret agenda ni JDV?” Aniya, malamang gusto ni JDV na magsulong uli ng people’s initiative para matuloy na ang pinipithaya niyang charter change o cha-cha. Kung pulos kaalyado nga naman ang mga maluluklok na barangay officials, plus factor na ito para matupad ang kanyang pangarap. Hindi ko sinasabing iyan nga ang intensyon ni de Venecia. Ngunit hindi maiiwasang magduda ang taumbayan.
Kung walang eleksyon, holdover ang mga nanunungkulan o kaya’y ang Department of Interior and Local Government (DILG) na lang ang magnonombra ng mga bagong barangay officials. Puwedeng mangyari iyan kung aamyendahan ang batas. Posible ring magpalabas na lang ng executive order si Presidente Arroyo. Pero hindi maganda. Aalisan na naman ng karapatang mamili ng leader ang taumbayan.
Kung nonombrahan na lang ng administrasyon ang mga barangay officials, malamang yung mga “machunurin” ang maitatalaga. Isyung malaki! Okay lang gumastos basta’t mapapanatiling matatag ang demokrasya. Kung magbubunga man ito ng inflation, it’s worth the little agony which can be overcome by a strong democracy. Salamat naman sa assurance ni Abalos na may nakalaan nang pondo para sa eleksyong ito.