‘Kasong nabigyang linaw’
ISA NA NAMANG magandang balita ang hatid namin sa mga tumatangkilik ng CALVENTO FILES. Layunin namin ang makatulong sa mga biktima sa abot ng aming makakaya.
Ang kasong inilapit sa amin ni Vilma Cayabyab ng Pangasinan ay isa sa mga pinakamahirap na maresolba dahil na rin sa kawalan ng testigo na makakapagturo o makakapagbigay ng lead sa ikalulutas ng misteryosong pagkamatay ng kanyang kapatid na si Larry Cayabyab sa loob ng barangay hall ng Brgy 194, Pildera, Pasay City.
Balikan natin ang istorya ng pagkamatay ni Larry.
Ika-17 ng Enero 2007 ng madaling araw nang umuwi si Larry sa kanyang tinutuluyang boarding house sa Pasay. Sandaling namahinga at pagkatapos ay nagpunta sa kanilang opisina para kuhanin ang suweldo. Pag-uwi nito ay may dala-dala na itong pagkain.
Nagkayayaan ang mga kasamahan nito sa bahay na uminom sila ng apat na bote ng beer. Bandang alas-6 ng gabi nang dumating ang matalik na kaibigan ni Larry, si Jerry David. Makalipas ang tatlumpung minuto umalis ang dalawa at pagkatapos ay nagpunta sa bahay ng isa pa nilang kaibigan na si Adel. Matapos nilang uminom inihatid ni Jerry ang kaibigan nito sa kanyang boarding house bandang alas-10 ng gabi.
Hindi pa nagtatagal sa bahay nang magpaalam si Larry kay Anastacio Guillermo, ama ng isa sa mga boardmate nila. Pagkatapos ay nagpunta na ito sa NAIA kung saan ito nagtatrabaho upang ihulog ang kanyang gate pass para makapasok kinabukasan.
Napag-alaman na matapos itong pumunta sa NAIA ay nagpuntang mag-isa si Larry sa isang videoke bar na pag-aari daw ng barangay captain ng Barangay 194 Pildera II, MIA, Pasay City, si Felicisimo Arnesto. Sa videoke bar na ito may nakaaway si Larry na hindi naman matukoy kung sino ito. Bandang alas-11:45 ng gabi nang makita ng mga barangay tanod na sina Leo Media at David Samsom si Larry na nakaupo sa kalsada ng Ninoy Aquino Ave. Nilapitan nila ito at nakitang lasing na lasing kaya dinala nila ito sa barangay hall sakay ng motor upang doon ito patulugin.
Ika-18 ng Enero 2007 bandang alas-3 ng hapon natagpuang wala ng buhay si Larry. Walang kasama si Larry sa loob ng barangay hall mula noong dalhin siya ng mga tanod doon dahil katwiran nila ay may nirespondehan ang mga ito at nang makaramdam ng antok ay umuwi na sila. Nang gigisingin na raw ito ni Leo hindi na raw gumagalaw ang biktima.
Alas-6 ng gabi nang rumesponde ang mga pulis sa pangunguna ni SPO1 Elenita Sison ng Pasay City Police Station. Patay na nga si Larry at walang dugong nakita. Ang tama sa ulo kadalasan ay madugo. Walang bakas ng dugo sa ulo ni Larry. Pinasyahan na ng mga pulis na dalhin sa Rizal Funeral Homes sa Pasay City. Dun nagsagawa ng autopsy ang Medico-Legal-Officer na si Police Chief Inspector Voltaire P. Nulud ng PNP Crime Laboratory. Sa findings, cause of death is traumatic injury, head. Malinaw na sinasabi na ang biktima ay namatay dahil sa palo sa ulo mula sa isang matigas na bagay (blunt instrument) at nagkaroon ng brain hemorrhage.
Personal kong nakausap sa telepono noon itong si tanod David Samson at sinabi niya sa akin na nakasubsob sa may highway ng Ninoy Aquino Avenue itong si Larry kaya’t pinagpasyahan nila na dalhin sa Barangay Hall. Tinanong ko kung patay na si Larry at sabi niya na lasing na lasing daw kaya lang sa himig ng tinig nitong barangay tanod na ito, medyo hindi siya komportable at pabago-bago ang kanyang statement. Kaya mas lalo kong tinanong kung nakausap niya si Larry upang malaman kung saan nakatira itong lasing na mamang ito. Sabi niya puro “ooh, uh” ang ibig sabihin nito na may buhay pa ang binata at wala lang sa huwisyo. Kung may sugat ang binata sa kanyang katawan mga kaibigan, karaniwang pagbitbit sa taong nakita mong nakasubsob sa highway ay titignan mo kung may sugat, saksak, tama ng bala, may dugo ba ito, patay na ba ito? Subalit walang maisagot sa akin ng tama itong si David na ito.
Nakipag-unayan kami kay SPO1 Elenita Sison tungkol sa kasong ito. Nangako naman siya na tutulungan niya ang pamilya ng biktima. Nang muli naming nakausap si SPO1 Sison ay ibinalita niya sa amin na nasampahan ng kaso ang dalawang barangay tanod na sina Leo Media at David Samson ng kasong Negligence Resulting to Homicide.
Nagkaroon ng preliminary investigation at si Prosecutor Nolasco M. Fernandez ng Pasay City Prosecution Office ang humawak nito. Hindi naman nagtagal ay lumabas na rin ang resolution ng kaso. May probable cause para sampahan ng kaso ang mga respondents. Labis itong ipinagpapasalamat ni Vilma sa naging resulta nito.
Para naman sa mga taong may nalalaman sa tunay na nangyari kay Larry Cayabyab, wag kayong matakot na lumabas para makapagbigay ng inyong pahayag. Handang magbigay ng kaukulang proteksyon ang Department of Justice sa pamumuno si Sec. Raul M. Gonzalez.
Ang kaso ng pagkamatay ni Larry Cayabyab ay nagsimula na walang lead. Dahil na rin sa pagpupursige ng kanyang kapatid ni Vilma, ngayon meron ng kasong naihain, Negligence Resulting to Homicide, baka sa darating na panahon mas mabigat pa ang maikakaso natin sa mga may kinalaman sa kanyang pagkamatay. Ito’y maaring mangyari lamang sa inyong tulong!
Para sa mga biktima ng krimen, pang-aabuso o legal problems maari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig.
E-mail address: [email protected]
- Latest
- Trending