Marami nang mga kasong pagdudukot ng mga ama sa kanila mismong mga anak.
Ang mga kasong ito ay nangyayari kapag ang mga magulang ay hindi nagkakasundo.
Ginagawa ito ng mga loko-lokong ama bilang ganti sa ina ng kanyang anak dahil sa kanilang paghihiwalay.
Ang hindi alam ng mga gunggong na ama, na sa ating batas, ang mga bata ay nasa pangangalaga ng ina hanggang ito’y umabot ng pitong taong gulang.
Subalit may mga amang hindi nirerespeto ang batas, at sa halip hinahamon pa ang pobreng ina na maghabol.
Tulad na lamang nang inilapit ni Florenda Binting, isang ina na tubong Cadiz, Negros Occidental nung araw ng Miyerkules sa BITAG Action Center.
Humihingi siya ng saklolo na makuha ang kanyang dalawang taong anak na lalaki mula sa magulang ng dati niyang ka live-in partner na si Evan Casalme na ngayon ay nasa ibang bansa.
Dahil sa nakitang pangungulila ni Florenda sa kan-yang anak, agad kumilos ang BITAG.
Sa Lemery, Batangas natunton ng BITAG ang batang itinago ng ama sa kanyang inang si Florenda. Sa tulong ng mga alagad ng batas, DSWD Region 4 ay isinagawa ang rescue operation kahapon ng umaga.
Pagdating sa target area hindi nakapalag ang pamilya ng ama ng bata na kung tutuusin hindi naman pala kasal ang mga magulang ng dalawang taong gulang na batang lalaki.
Umiiyak sa tuwa si Florenda nang makuha ang kanyang nasasabik na makitang anak. Nagpapasalamat sa mga operatiba, DSWD at BITAG.
Hindi magsasawa ang BITAG sa ganitong klaseng pagsagip sa mga batang ginagawang kasangkapan ang kanilang anak sa mga nagbabangayang mga magulang.