EDITORYAL - Wala na ang mga ‘pugot-ulo’!

HINDI na mabibigyan ng hustisya ang karumal-dumal na pagpatay sa 10 Marines noong July 10 sa Al-Barka, Basilan. Paano’y nakatakas na ang mga hinihinalang suspects sa lugar. Ang pagpu-got sa ulo at “ari” ng 10 Marines ay maituturing na lamang na napakasamang panaginip. Hindi maka­tao ang ginawa sa Marines na pagkaraang bumu­lagta ay tinadtad naman ng taga at tinapyas ang ulo at “ari”. Marami ang komondena sa nangyaring pagpugot at sinabing mga taong wala sa sariling katinuan ang makagagawa ng ganoong karumal-dumal na pagpantay. Walang matinong tao ang tatadtad ng katawan ng kanyang kapwa.

Kung mayroon mang naghihinagpis sa kasalu­kuyan dahil sa pagkamatay ng sundalo, iyon ay walang iba kundi ang mga naulila ng biktima. Hindi na nila makakamtan ang hustisya.

Isi-serve na ng mga armadong pulis ang subpoena sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na namugot sa Marines subalit wala na ang mga suspect. Ang tanging sumalubong sa mga pulis ay mga alagang aso na nasa kampo ng MILF. Gutom na gutom ang mga aso. Wala na ring mga tao sa barangay. Nagsilikas na sila sa takot na madamay sa labanan.

Matagal na umanong nakaalis ang mga suspect na MILF. Bago pa pumutok ang balita na isi-serve ang warrant of arrest ay mabilis na tumakas ang mga ito. Wala nang inabutan kundi ang mga nakati­wangwang na kabahayan sa barangay. Walang nagawa ang mga nagserve ng warrant kundi ang umuwing bagsak ang balikat.

Sabi naman ng tagapagsalita ng MILF na hindi nila isusuko ang kanilang mga kasamahan. Ang Marines daw ang pumasok sa kanilang teritoryo nang walang koordinasyon. Hihintayin na lamang daw nila ang pagsalakay.

Ipinatigil ni Mrs. Arroyo ang opensiba sa MILF para makagawa raw ng paraan ang PNP na ma­aresto ang mga suspects. Pero hindi na nagawa dahil nakatakas na ang mga “pugot-ulo”.

Wala nang pag-asang makakakuha pa ng hus­tisya ang Marines. Kung hindi sana nag-urung-sulong ang pamahalaan sa gagawin sa mga kri­minal, baka nalipol na ang mga “pugot-ulo.” Nga­yo’y saan hahanapin ang “pugot-ulo”? Mahirap na tanong ito.

Show comments