NAGING panauhin ako sa Pasado Sabado, programang pang-TELERADYO nina OMB Chairman Edu Manzano at Ms. Aida Gonzales sa DZMM. Tinalakay ang isyu ng “People’s Law School” o ang College of Law ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM). Nabati ang magandang line-up ng propesor sa PLM Law sa kabila ng mababa nitong tuition fee.
Maaring nabawasan na ang kinang ng mga propesyon tulad ng Law dahil sa pagsikat ng computer at iba pang mas murang vocational na kurso. Subalit habang nariyan ang hangaring makatulong sa kapwa na siyang tunay na diwa ng mga propesyon, hindi pa rin huhupa ang bilang ng pamilyang nais magpatapos ng propesyonal sa kolehiyo. Hindi kailangang maging balakid ang kakulangan ng pondo –- kapag ang bata ay may talino at determinasyon, nandito ang mga paaralang tulad ng PLM Law na handang tapatan ang kanilang dedikasyon.
Nadagdagan pa ang good news nitong weekend nang ipahayag ng CHED (Commission on Higher Education) na tataasan nila ang puhunan ng National Student Loan Program mula P215 million hanggang P4 billion! Translation: Ang dating 38,000 na istudyanteng nakakautang ng P5,000 kada semester, ngayon ay aabot sa 200,000 students na pahihiramin ng P15,000 per sem.
Sa ibang mga bansa, lalo na sa Amerika kung saan ang sagutin ng magulang ay hanggang paaral ng high school lang, ang paghabol sa isang degree ay medyo mamahaling proposisyon. Subalit dahil sa dami ng pautang ng pamahalaan, halos lahat naman ay tumutuloy sa college at pati na sa mas mataas pang mga kurso. Nagtatapos nga lang na may tangan na malaking bayarin. Sino naman ang hindi gagastos ng ganitong matrikula para sa pagkakataong tuparin ang pangarap?
Sa hakbanging ito ng CHED, pinatunayan ng administrasyon na may malasakit ito sa ating mga kabataan. Ito’y pagpapatotoo rin sa tinakda ng Saligang Batas na “Dapat mag-ukol ang estado ng pinakamataas na priority sa pagtatabi ng budget para sa edukasyon”.
CHED Nat’l Student Loan Program: Grade: 93