SA WAKAS prinoklama ni President Gloria Arroyo na “protected area” ang La Mesa watershed. Pero may sabit. Dinagdag niya kasi, habang nagtatanim ng puno sa EcoPark sa gilid ng La Mesa Dam, na napapailalim sa “private rights” ang protected area ng gubat sa paligid ng reservoir.
Ano ang ibig sabihin nito? Simple. Kinakampihan ni Arroyo si Rep. Edsel Lagman, na masugid niyang taga-depensa laban sa impeachment nu’ng 2005 at 2006. Si Lagman ang nag-aabogado para sa unyon ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System na namamahala sa La Mesa. In-award daw sa 1,441 kasapi ng unyon nu’ng dekada-60 ang 58 hectares na bahagi ng gubat para sa pabahay. Kikita nang malaki ang mga nagpapakulo ng pabahay.
Bibilhin ng mga tagapagmana kuno ng 1,441 kasapi ang lupa sa halagang P5 per square meter. Pero ang halaga nito, dahil nasa harap mismo ng Quirino Highway sa Novaliches, ay P15,000. Tubong lugaw! Tiyak na magtatayo pa ng commercial structure bukod sa pabahay sa pook — kaya ayaw ipakita ang plano.
Pero may mas matinding siste. Ang 58-ektaryang pabahay ay nasa itaas ng reservoir, hindi tulad ng EcoPark na nasa ibaba. ‘Yung dumi ng 1,441 bahay ay dadaloy tuwing ulan sa reservoir na pinagkukunan ng tubig-inumin ng 14 milyong taga-Greater Manila. Ito ang konklusyon mismo ng National Hydraulics Research Center ng UP-Diliman. Ani Lagman, may modernong teknolohiya na kuno para iwasan ang pagbagsak ng dumi sa reservoir. Pinabulaanan ito ng UP: Wala pang teknolohiya kontra sa gravity, bababa at bababa kahit ang dumi, nasa posong negro man ito o sa garahe (lason sa baterya ng kotse) o sa kusina.
Nagkunwaring maka-kalusugan si Arroyo sa paggawang protected watershed sa La Mesa. Pahiwatig sana nito ay magbabantay ang gobyerno para hindi makalbo ang gubat at dumumi ang tubig. Pero itinaguyod ni Arroyo ang 1,441 descendants na binibigyan naman ng MWSS ng dobleng lote sa Antipolo, imbis na ang 14 milyon mamamayan. Kahunghangan!