ANG poliomyelitis o lalong kilala sa tawag na polio ay infection na likha ng virus. Nagiging dahilan ito ng pagkaparalisa ng bahagi ng katawan, particular ang paa. Ang sintomas ng polio ay lagnat, pagsusuka, pagtatae, pananakit ng ulo at sorethroat. Kasunod ng sintomas ay ang pananakit ng mga kalamnan, panghihina, paninigas ng leeg at ang pagkaparalisa ng bahagi ng katawan.
May tatlong uri ng polio at ang pinakadelikadong uri ay ang bulbar na maaaring pangsumandali o permanente na ang pagkaparalisa ng paghinga.
Nagiging dahilan ng pagkamatay ang polio sa unang pagdapo ng sakit o sa dakong huli kapag nagkaroon ng kumplikasyon ang bacterial infection. Naisasalin ang polio virus sa pamamagitan ng paghawak sa respiratory secretions at maaari rin sa pagsinghot o paglunok.
Lubusang mapipigilan ang pagkalat ng polio sa pamamagitan ng pagbabakuna laban sa virus. Ang mga sanggol, bata at nakatatanda ay nararapat magpabakuna lalo na kung sila ay naka-exposed sa mga taong may polio. Ang mga magbibiyahe sa ibang bansa na laganap ang polio ay dapat din namang magpabakuna para makaiwas sa sakit. Ang polio virus ay kadalasang umaatake tuwing summer at karaniwang mayroon nito sa lahat halos ng bansa sa buong mundo.