EKSAKTO at tumpak ang human rights legislative agenda ng aking panganay na anak na si Sen. Jinggoy Estrada tungkol sa isyu ng mga nawawala o dinukot at pinapatay na karaniwan ay mga aktibista, journalists at iba pang nagbubunyag at bumabatikos sa katiwalian sa pamahalaan.
Sabi ng human rights group na KARAPATAN, mula nang maupo si Mrs. Arroyo noong 2001, umabot na sa 863 ang mga pinatay na magsasaka, kabataan, taong-simbahan at iba pang militante. Mayroon din umanong 51 mamamahayag na pinatay. Umaabot naman umano sa 196 ang enforced disappearances, tulad ni Jonas Burgos, na hinihinalang dinukot ng mga ahente ng gobyerno.
Ang National Consultative Summit on Extrajudicial Killings and Enforced Disappearances na inorganisa ng Korte Suprema ay partikular na nagrekomenda ng paggawa ng mga batas para solusyunan ang mga nabanggit na isyu.
Bago pa man napagtuunan ng malaking atensyon ang mga isyung ito, at matagal pa bago idinaos ang Summit, inihain na ni Jinggoy ang ilang panukalang-batas tungkol dito.
Pangunahin sa kanyang panukala ang pagbuo ng Magna Carta for Journalists na magtitiyak ng proteksyon, karapatan at mga benepisyo ng mga mamamahayag.
Ipinanukala rin niyang magtatag ng Commission on Missing Persons na mag-aatas sa mga ahensIya ng gobyerno na hanapin ang mga nawawalang tao.
Mayroon din siyang panukala para magpataw ng mabigat na parusa sa mga ahente ng pamahalaan na sangkot sa torture at enforced disappearances.
Ang mga panukalang ito, kapag naisabatas, ay magtitiyak na ang karapatang pantao ay mapoprotektahan at irerespeto ng mga may kapangyarihan.
Si Ginang Arroyo naman ay agad ipinagyabang na gumagawa raw ng hakbang ang kanyang administrasyon sa mga isyung ito. Kung totoo ang kanyang ipinagyayabang, dapat ay itulak niya ang pagsasabatas at ebentuwal na pagpapatupad ng mga panukalang ito ni Jinggoy.
* * *
Para sa mga suhestiyon o komento, maaari kayong mag-e-mail sa doktora_ng_masa @yahoo.com.ph