SONA
TAPOS nang magbigay ng SONA ang Presidente. Natural, may mga natuwa, may mga nainis. Mga kaalyado ng administrasyon ang nasiyahan naman sa mga proyekto at programa na kasalukuyang ginagawa, may mga patapos na rin. Mga paliparan, kalye, ro-ro, tulay. Inprastruktura ang aatupagin ng administrasyon ni GMA itong huling tatlong taon ng kanyang termino. Mga kumokontra naman, wala naman daw saysay ang talumpati ng Presidente tungkol sa estado ng bansa dahil hindi naman daw pinag-usapan ang mga mahahalagang isyu tulad ng trabaho, sahod, at mga kontrobersiya kung saan sangkot ang gobyerno tulad ng katatapos na eleksyon, mga political killings, paglabag sa karapatang pantao at iba pa. Sa totoo lang, kelan naman sumang-ayon ang mga grupong ito sa kanino mang SONA? Layunin nila ang bumatikos sa pamahalaan, sinuman ang nakaupo.
Kung susuriin natin ang talumpati ng Presidente, siya ay naglista lamang ng kanyang mga programa at proyekto, maging paumpisa pa lamang o patapos na. Pinaninindigan niya ang kanyang hangarin na mag-iwan ng magandang pamana sa mamamayan, sa pamamagitan ng inprastruktura at serbisyo sa taumbayan. Ang gagawin na lamang ng susunod na Presidente ay hahanguin na lamang ang kanyang mga itinanim. Pinag-usapan niya ng bahagya ang mga pinatay na may kaugnayan sa pulitiko, na dapat gumawa ng mga batas na magbibigay ng matinding parusa sa mga gumagawa nito, at magbibigay ng mabilis na hustisya sa mga biktima. Hiningi rin niya na isama na rin sa budget ng gobyerno ang mga grupong nagbabantay sa tuwing eleksyon upang mapatupad ang isang malinis at mapayapang halalan. At hiningi rin niya sa Kongreso ang pagpapasa ng dalawang mahalagang batas; ang Cheaper Medicine Bill at ang EPIRA, na parehong magbababa ng presyo ng gamot at kuryente. Iwas pusoy naman siya sa usapang pulitiko, eleksyon sa Maguindanao, kay Bedol at Comelec, at kung anu-ano pang bumubulok sa kanyang administrasyon. Nagpahayag din na hindi siya hahadlang sa ambisyon ninuman, pero papalag siya sa sinuman ang hahadlang sa progreso ng bayan.
Sa unang pandinig, maganda ang mga sinasabi ng Presidente. Puro pampaganda nga naman ng paligid at buhay ang mga inihain niya sa tao. Mas maraming kalye, paliparan at mas murang gamot at kuryente. Pero ganyan naman talaga ang talumpati ‘di ba? Bakit mo nga naman pag-uusapan ang mga pagkukulang, pagkakamali o pagkakasala mo? Dapat nga siguro bago magsalita ang Presidente sa mga SONA, may magsasalita muna para itanong kung anu-ano na ang ipinatupad niya sa nakaraang SONA. Iyan ang tamang sukat ng isang naninilbihan sa mamamayan. Totoo ang kasabihan na mas pansinin ang maliit na itim na tuldok, kaysa sa napakalawak na puting-tabing. Kahit gaano kaganda pa ang suot mong terno.
- Latest
- Trending