Mahal ang matrikula
Hindi pa man humuhupa ang hysteria sa FRANCSWISS Ponzi scheme ay heto’t may panibagong “swindle” na namang pumutok, ang nangyari sa Performance Investment Products Corporation (PIPC).
Mismong ang general manager ng PIPC ang dumulog sa NBI na hanapin ang Presidente nitong itinakbo lahat ng pondo. Tinatayang aabot ng labing-dalawang bilyon (PhP12,000,000,000.00) ang kabuuan ng nakuha dito.
Ang mga raket na ganito – kung saan naaakit at nahihikayat ang tao sa pangako ng nakakalulang interes, at sa kumisyon sa bawat ma-recruit na imbestor (ang interes nga ay galing sa perang pasok ng mga bagong recruit, at hindi sa kinita) – ay nabibigyang buhay sa mga bansang medyo mahina ang sopistikasyon. Lalo na sa Pilipinas na likas na mapagtiwala ang mamamayan.
Balakid sa pagtugis ng mga pasimuno ay ang publisidad. Lalo na sa PIPC na halos lahat daw ng nabiktima ay Mega-yaman. Marami dito ay puro sikretong pondo ang naisugal – kung hindi pondong sikreto sa gobyerno, malamang ay pondong sikreto sa kanilang mga asawa. At kung lehitimong pondo man, delikado pa rin lumantad dahil sa takot makidnap.
Masyado nang maraming Pilipino ang nabibiktima ng abuso ng tiwala. Siempre may sala din sila dahil nabulag sa kislap ng kayamanan – kung talagang nag-ingat at pinag-aralan ito ng husto: Paano makakapagbigay ng ganung kalaking interes kung ang lahat ng ibang instrumento sa banko ay ang bababa? Sugal na talaga ang nangyari. Kung hindi man, ika nga ni STAR columnist Prof. Alex Magno, stupidity na.
Paano mapuproteksyunan ang publiko? Mahirap na ngang bantayan ang mga lehitimong “investment houses” dahil sa secrecy of bank deposits law at dahil ang mga ahensyang nag-iimbestiga ay hindi pa gaanong kahasa sa ganitong kasopistikadong panloloko, paano pa yung mga colorum na ni hindi nagpaparehistro sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng SEC?
Sa huli’y wala pa ring mas epektibo kaysa edukasyon – turuan ang tao na ang pangunahin at siguradong paraan pa rin upang umasenso ay sipag at ang mag trabaho ng tapat. Kailangan din pag-aralan ng maingat ang mga paglalagyan ng perang pinagpawisan. Mas mura at sulit pa rin ang ganitong matrikula kaysa minatrikula ng mga nabiktima ng FRANCSWISS at PICP.
- Latest
- Trending