EDITORYAL - Hindi na kailangang makipag-peace talks sa MILF
KAHIT na nagsasagawa ng pagsalakay ang military sa lungga ng mga Moro Islamic Liberation (MILF) sa Basilan, hindi rin naman daw kinalilimutan ng pamahalaan ang pag-uusap para sa kapayapaan. Nakahanda pa rin daw ang mesang pagdarausan ng pag-uusap. Ito ay sa kabila na maraming nagawang paglabag ang MILF. Ang matindi ay ang pagtambang sa Marines na nagresulta sa pagkamatay ng 14 katao. Ang matindi ay pinugutan pa ng ulo at tinadtad ang katawan ng 10 sundalo.
Kalokohan na lamang na matatawag ang pag-uusap sa kapayapaan. Kahit saang anggulo tingnan, sayang lamang ang pag-uusap sapagkat patuloy din namang nilalabag. Hindi magiging makatotohanan ang pag-uusap sa kapayapaan kung mayroong traiduran o “saksakan sa likod”.
Nagsagawa na ng pagsalakay ang Marines sa Basilan para papanagutin ang mga namugot sa 10 sundalo. Sabi naman ng MILF na nakahanda sila sa gagawin ng mga sundalo. Matigas din naman ang pagtanggi ng MILF na wala silang kinalaman sa pamumugot sa mga sundalo. Sabi naman ng AFP kilala na nila kung sino ang mga taong pumugot at tumadtad sa Marines.
Huwag na ngang mag-usap pa sa kapayapaan at ang pagtuunan na lamang ay pagpuksa sa mga maituturing na “barbaro”. Wala rin naman kinauuwiang maganda ang pag-uusap kaya bakit pa magsasayang ng panahon. Hindi na pag-uusap ang nararapat kundi opensiba. Ipatupad ang batas. Ilabas na ang kamay na bakal at ipatikim sa mga nagsasabog ng lagim sa bansang ito.
Ang ginawang pamumugot sa Marines ay sobra-sobra nang kasamaan at hindi na maituturing na tao ang mga salarin. Kung nagawa nila ang pagpugot sa mga sandatahang Marines, magagawa rin nila sa pangkaraniwang tao. Tama lamang ang pagsalakay na ginawa sa lungga ng MILF.
Isantabi na muna ang pag-uusap na hindi naman talaga ang kapayapaan ang gustong makamtan. Mas lalo pang nagkakaroon ng kaguluhan at walang mabuo sa pag-uusap. Paano’y ang pagdududa ay lagi nang nasa isip. Traiduran ang labanan at pagkasakim ang nangingibabaw. Isang halimbawa ay ang naging pahayag ng MILF na kaya raw nila inambus ang Marines ay dahil pumasok ang mga ito sa kanilang teritoryo. Hindi raw nakipagkoordinasyon. Ang mga ganitong pananalita ba ay kakikitaan ng pagkakaroon ng paggalang sa usapang pangkapayapaan? Wala. Pawang pagdududa ang nasa isip at kung ang masamang ugaling ito ay hindi nawawala sa isip hindi magkakaroon ng kapayapaan sa bansa.
- Latest
- Trending