ANG nakaraang State of the Nation Address (SONA) ni President Arroyo ay walang pinag-kaiba sa kanyang naunang anim na SONA. Puro pangako pa rin ang nilalaman ng kanyang talumpati. Sa loob ng anim at kalahating taong pamumuno ito ay hindi naiangat ang kaawa-awang kalagayan ng nakararaming Pilipino.
Sayang na sayang ang milyong pisong nilus-tay para sa SONA. Walang kakuwenta-kuwentang palabas na sa halip na mabigyan ng inspirasyon at pag-asa,, lalo pang nagngitngit sa galit ang mahihirap na kababayan. Habang sila ay halos walang makain sa araw-araw, kitang-kita ang malaking pagkakaiba ng pamumuhay nila kumpara sa mga opisyal ng pamahalaan. Bihis na bihis sa karangyaan at nakasakay pa sa mga mamahaling sasakyan ang mga ito. Napakalaki ng agwat ng buhay ng mga silbing-bayan at ng nakararaming mamamayang Pilipino.
Bagsak na naman sa akin ang report ni President Arroyo. Wala siyang sinabing maliwanag kung ano ang naging aksyon at kinalabasan ng mga programang kanyang ipinagmalaking inilun-sad para sa ikabubuti ng mamamayang Pilipino.
Hanggang ngayon ay napakarami pa rin ang walang hanapbuhay. Marami pa ring Pinoy ang nagugutom. Hanggang ngayon, marami pa rin ang patayan, kidnapping at iba pang mga biyolenteng pangyayari. Patuloy pa rin ang graft and corruption. Hindi maipatigil ang jueteng at iba pang sugal. Talamak ang pagkalat ng shabu.
Dapat sana ang nireport ni GMA ay kung ano talaga ang totoong kalagayan ng Pilipinas ngayon. Baka naman talagang iniiwasan niyang magbanggit kung ano ang tunay na nangyayari. Baka nahihiya siyang mag-report tungkol dito.