EDITORYAL - Maraming nagugutom sa Metro Manila
MAY hatid na magandang balita ang survey ng Social Weather Stations (SWS). Bumaba na ang rating ng mga nagugutom sa bansa. Mula sa dating 19 percent na nagugutom, bumaba ito sa 14.7 percent. Ang masama, patuloy naman ang pagtaas ng mga nagugutom sa Metro Manila. Mula sa dating 20 percent, umabot na sa 22 percent ang mga nagugutom sa Metro. Ang survey ng SWS ay ginawa mula April hanggang June 2007. Noong December 2005, ang mga nagugutom sa Metro Manila ay 21 percent.
Sa State of the Nation Address ni President Arroyo noong Lunes, wala siyang gaanong nabang git tungkol sa pagkain sa hapag na noong una niyang SONA ay sinabi niyang lulunasan. Ang problema sa pagkain ay unang lumutang dahil sa tatlong batang taga-Payatas na nagpaanod ng bangka patungong Malacañang. Bukod sa pagkain sa hapag, reresolbahin din ang problema sa pabahay at ang kawalan ng trabaho nang nakararaming Pinoy.
Ngayong SONA 2007 ay pawang accomplishment sa maraming regions ang nireport ni Mrs. Arroyo. Walang gaanong sinabi ukol sa pagpaparami ng pagkain. Pawang accomplishment sa mga ipinagawang kalsada at mga tulay, schools at iba pang infrastructure project.
Bumaba ang rating ng nagugutom sa maraming lugar sa bansa subalit sa Metro Manila ay lalong tumaas ang mga nagugutom. Ibig sabihin, ang mga sinasabing pagganda ng ekonomiya ay hindi tumatalab sa mga residente ng Metro Manila. Sa kabila na lumalakas ang piso, parami naman nang parami ang mga nagugutom.
May katotohanan ang survey ng SWS sapagkat maraming natutuliro dahil sa kahirapan ng buhay. Noong isang araw, isang lalaki ang umakyat sa billboard na nasa kanto ng EDSA at Timog Avenue. Ang problema ng lalaki ay ang kawalan ng trabaho. Nang mawalan siya ng trabaho ay iniwan na siya ng kanyang asawa. Nakumbinsi rin ang lalaki na bumaba pagkaraan ng ilang oras.
Ilang linggo na ang nakararaan, isang lalaki naman ang nagpakamatay dahil wala na siyang maipakain sa pamilya.
Maraming nagugutom sa Metro at dapat itong lutasin ng pamahalaan. Kung talagang gumaganda ang ekonomiya, ipakita at ipadama.
- Latest
- Trending