GUMAGANA pa ba ang ating sistema? Malalaman ‘yan sa mga darating na araw – kung mapapatupad ang mga hakbang mula sa Supreme Court summit kontra sa pagpatay sa mga huwes, mamamahayag at militante.
Pero ngayon pa lang, nagkakaroon na ng pag-asa ang bansa. Ang pagtawag mismo ng Korte ng summit para lutasin at itigil na ang patayan ay patunay na gumagana ang isa sa tatlong branches of government. Ika nga ni dating Senate President Jovito Salonga sa kanyang talumpati roon, kauna-unahan ito sa kasaysayan hindi lang ng Pilipinas kundi pati sa Africa at Latin America kung saan malala din ang patayan at kidnapan.
Tila kasi isinuko na ng Executive at Legislative ang tungkulin kontra sa lantarang patayan at pagkidnap. Iniatas sa pulis ang paglutas sa krimen, pero konti lang ang naisampang kaso sa korte. Binatikos ang militar dahil sa umano’y pakanang ubusin ang Kaliwa, pero ang isinagot nito ay mga militante umano ang nagpapatayan dahil sa paksiyonalismo. Sinikap ng isang prosecutor na lutasin ang isa sa pinaka-malaking insidente ng kidnaping – ni Jonas Burgos, anak ng bayaning peryodistang Joe Burgos – pero pinatahimik siya ng among Secretary of Justice. Samantala, nanood lang ang Kongreso habang mahigit 750 militante ang pinatay mula Enero 2001, dagdag pa ang 58 peryodista at anim na taga-hudikatura. Hindi man lang inalam kung anong mga batas ang kailangan para matigil ang garapal na pagbabale-wala sa buhay ng tao.
Mabuti na lang at sa inisyatiba ni Chief Justice Reynato Puno, iginiit ng Korte na mag-usap ang mga pulis at militar, mambabatas at huwes — na taga-Executive, Legislative, Judiciary — sa civil society, press, akademiko, simbahan at abogasya. Nagpalitan ng kaalaman at panukala ang mga ito para ibalik ang bansa sa tamang landas ng pagrespeto sa batas.
“Pananagutan” – ’yan ang buod ng lahat ng usapan sa summit. Para matigil ang patayan at kidnapan, dapat papanagutin ang mga nagpapatay at nagpakidnap. Papanagutin din ang pulis, prosecutor, huwes, piitan – lahat ng sangay ng Executive, Legislature at Judiciary — at Presidente.