MABUTI naman at pinalaya na si Fr. Giancarlo Bossi pagkaraan ng 40 araw na pagkabihag. Ayon kay Fr. Bossi, mga Abu Sayyaf ang bumihag sa kanya pero kung ang AFP naman ang papakinggan, mga MILF “Lost Command” daw ‘yun. Nangayayat nang husto ang Italyanong pari dahil ang pagkain niya roon ay kanin at tuyo lamang. Bukod doon, maganda naman daw ang pagtrato sa kanya ng mga bumihag sa kanya. Hindi naman daw siya tinakot na papatayin o sasaktan. Napilitan din siyang tumigil sa paninigarilyo dahil sa pagkahapo niya tuwing lumalakad sila at umaakyat ng mga bundok. Palipat-lipat sila ng lugar dahil nga sa walang-tigil na paghahanap sa kanila ng mga militar at pulis. Itinanggi naman ng gobyerno na nagbayad ng ransom para sa kalayaan ni Fr. Bossi, pero may mga ulat na nagbigay ng P4-milyon sa mga bumihag bilang bayad sa “upa at pakain” kay Fr. Bossi habang hawak nila ito. Kung sino ang nagbigay ay hindi pa alam. Di ko akalain na ganun kamahal ang tuyong isda, asin at kanin ngayon, pati na ang mala 5-star hotel na tinulugang duyan ni Fr. Bossi!
Ayon din kay Fr. Bossi, napansin niya na nahihirapan na yung bumihag sa kanya dahil sa walang humpay na paghanap sa kanila ng mga sundalo at pulis. Naramdaman na rin niya na malapit nang matapos ang paghihirap niya nang nakita niyang lumuluwag na ang pagbantay sa kanya, at nagsimula silang maglakad papunta sa highway. Doon iniwan na lang siya. May ulat din na kaya lumambot ang katayuan ng mga dumakip ka Fr. Bossi dahil binuweltahan din ng militar ang pinuno nito sa pamamagitan din ng paghawak sa pamilya nung pinuno. Kung baga eh karma. Isang magandang halimbawa ng lumalaban ng parehas sa parehong pamamaraan. “An eye for an eye” ika nga.
Walang problema sa ganitong pamamaraan ng paglaban sa mga masasamang elemento ng komunidad sa ating bansa. Kaya naman hindi rin ako sang-ayon sa katayuan ng mga ibang grupo tungkol sa karapatang pantao. Parang mas pinapanigan pa ang mga kriminal imbis na yung mga biktima. Hanggang ngayon wala pang pahayag ang mga grupong ito tungkol sa mga pumugot ng ulo ng mga Marines sa Basilan. Alam na siguro natin kung sino na lang ang laging papanigan ng mga ito. Tunay na magandang balita ang pagkakalaya ni Fr. Bossi, isang maamong tao na nagpahayag na rin na wala siyang sama ng loob sa mga bumihag sa kanya. At napakagandang timing naman para kay President GMA, na magbibigay ng kanyang SONA sa Lunes. Tiyak na magagamit niya ito bilang pulitikal na kapital para gumanda ng bahagya ang kanyang marka. Di naman kaya planado ang lahat na ito? Hindi naman siguro. Hindi dapat!