EDITORYAL - Hustisya kay Nida ay malabo na
MALABO nang malaman kung sino ang nagpapatay kay actress Nida Blanca ngayong ang principal suspect na si Rod Strunk ay patay na rin. Nag-suicide ito. Sisihin ang mabagal na proseso ng batas sa bansa kaya maraming nauuhaw sa hustisya. Kawawa naman ang anak ni Nida na si Kaye Torres na pitong taong naghintay para makamit ang hustisya at wala rin palang makukuha.
Brutal na pinatay si Nida. Natagpuan siyang tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at nasa loob mismo ng kanyang kotse sa parking lot ng Atlanta Condominium sa Mandaluyong.
Suspect ang asawa ni Nida na si Rod Strunk. Sinabi ni Philip Medel, isa sa mga suspect, si Strunk ang nag-utos sa kanyang patayin ang actress. Pero makalipas ang ilang araw, nagsisigaw na parang nasisiraan ng ulo si Medel at binawi ang inaming pagpatay. Tinorture lang daw siya. Dahil sa pagbawi ni Medel, nakaalis sa bansa si Strunk noong October 2003 para dalawin ang maysakit na ina sa California.
Ang pag-alis ni Strunk sa bansa ang naging hudyat para mawalan na nang pag-asang malutas ang karumal-dumal na pagpatay sa actress na minahal na nang maraming Pinoy.
Masisisi ang kahinaan ng batas sa bansang ito kung bakit may mga principal suspect na natatakasan ang batas. May mga ebidensiya naman na nagtuturo kay Strunk na ito ang may utak sa pagpatay subalit hindi pa rin makagalaw ang batas. Masyadong mabagal. Usad-pagong ang kaso na para bang nagmamaramot para mabigyan ng hustisya ang biktima.
Sa aming palagay, wala nang pag-asang malutas pa ang kaso ni Nida sapagkat patay na si Strunk. Iisa ang ibig sabihin, tapos na ang kasong ito. Sino ang hahabulin para pagbayarin sa karumal-dumal na krimen?
Mabagal ang pag-usad ng kaso sa Pilipinas. Halimbawa rin sa kabagalan ay ang kaso ni dating President Joseph Estrada na katulad ng kaso ni Nida ay pitong taon na rin ang nakararaan.
Kung ang kaso nang mga sikat na personalidad ay mabagal malutas, paano pa ang kaso ng mga maliliit na walang awang pinapatay?
Maraming dahilan kung bakit mabagal ang pag-usad ng batas sa bansa. Isa sa pangunahing dahilan ay ang corruption sa mga korte. Marami nang corrupt judges ngayon. Kung hindi mawawala ang corruption, maraming mauuhaw sa hustisya.
- Latest
- Trending