NATUTUWA ako na isinusulong ng aking panganay na anak na si Senator Jinggoy Estrada ang pag-exempt sa buwis ng mga gamot ng senior citizens.
Inihain ko noon sa Senado ang Resolusyon Blg. 62 na nagpaimbestiga sa ulat na humigit-kumulang sa apat na milyong nakatatanda sa ating bansa ang hindi nakikinabang sa 20-porsiyentong diskuwento sa gamot na itinakda ng Senior Citizens Act para sa mga mamamayang 60-anyos at pataas.
Hindi raw kasi lahat ng mga botika ay sumusunod sa naturang batas, at nagkaroon ng pataw na 10-porsiyentong VAT at dagdag pang dalawang porsiyentong RVAT ang mga gamot. Ang 20-porsiyentong diskuwento na itinakda ng batas ay naging walong porsiyento na lang.
Sa tinatayang anim na milyong senior citizens sa bansa, mahigit kalahati ay hindi tunay na nakinabang sa probisyong pangkalusugan ng Senior Citizens Act. Hiwalay na usapin pa yung ibang benepisyo na hindi nila napakinabangan, tulad ng diskuwento sa restoran, sinehan at iba pa.
Nararamdaman ng senior citizens na pagkatapos ng kanilang mahabang panahon ng kontribusyon sa lipunan, ay pinabayaan na sila ng administrasyong Arroyo maging sa pinakabatayan nilang pangangailangan: Ang gamot at serbisyong pangkalusugan.
Ang sabi ko kay Jinggoy, ituloy niya ang pagpupursigeng i-exempt sa buwis ang gamot at serbisyong pangkalusugan ng senior citizens. Sabi niya, ipaglalaban niya ito at ang iba pang benepisyo ng mga nakatatandang mamamayan.
* * *
Liham ng mambabasa:
Ako po ay 21-anyos. May nararamdaman akong hindi maganda sa maselang bahagi ng katawan ko. Baka may STD ako. Nabasa ko ang inyong column sa pag-prevent ng AIDS. Saan pong doktor ako dapat lumapit? — Bel
Dear Bel,
Salamat sa pagtangkilik mo sa aking column dito sa Pilipino Star NGAYON. Maaari kang tumawag sa HIV/AIDS Prevention Project (HAPP-PRRM) sa telephone no. 3712107. Patuloy kang makipag-ugnayan sa aking opisina para sa ganap na pag-aasikaso sa iyong problema.
* * *
Para sa mga suhestiyon o komento, maaari kayong mag-e-mail sa: doktora_ng_masa@yahoo.com.ph