Walang kamatayang illegal recruitment…
ARAW-ARAW, linggu-linggo, buwan-buwan, taun-taon, palaging may nabibiktima ng illegal recruitment. Sa katunayan, hindi ito nababawasan at lalo pang dumadami ang bilang ng mga nagiging biktima nito.
Hangga’t patuloy ang paniniwala sa karamihan ng mga Pilipino na may naghihintay na magandang trabaho, malaking pasahod at ang pagkakataong ito ang makakapagpabago ng kanilang mahirap na buhay dito sa bansa, tataas pa ang bilang ng magiging biktima.
Sa panahon ngayon, wala ka na kasing puwedeng pagkatiwalaan lalo na sa alok na paghahanap-buhay sa ibang bansa. Doble ingat at pagdududa sa mga taong nakakasalamuha, nakakausap at nakakasama ang laging paalala ng BITAG.
Hindi mo kasi aakalain na sa kabila ng matatamis na salita, magagandang pangako at iginagalang na propesyon nito sa buhay, ang mga ito pala ay maaaring mga illegal recruiter.
Hindi mo na namamalayan na dahil sa sobrang pag-nanais mong mapaganda ang iyong buhay sa ibang bansa, nahuhulog ka na sa patibong ng mga manlo lokong illegal recruiter na ito.
Maski nga kasi alagad ng Diyos, nagiging kasangkapan ng diyablo para makapambiktima. Katulad nang naipalabas naming sa BITAG na isang segment kung saan isang Pastora ang inireklamo sa BITAG.
Ang sumbong ng mga nagrereklamong lumapit sa aming tanggapan, illegal recruitment. Magagandang trabaho na may matataas na sahod sa New Zealand ang naging alok ni pastora.
Subalit ang naging resulta nito sa mga aplikanteng umasa at nagtiwala, naubos at nasimot na ang natitirang kabuhayan dito sa sariling bansa, hindi rin sila napaalis ng Pastora. Drama at panaginip lamang pala ang mga ipinangako sa kanila ni Pastora.
Ang masahol pa nito, ginamit pa ng kolokay na pas tora ang kaniyang pagiging taong simbahan, mga mabu-buti at magagandang salita ng Diyos para mahikayat ang kanyang mga biktima na kasamahan niya rin sa simbahan, na magtiwala sa kanya.
Ang siste, nauwi na lamang sa isang matensiyon, mainit at maanghang na komosyon ang eksena sa pagitan ni Pastora at ng mga biktima niya nang mata-pos ang isinagawang Entrapment Operation.
Pare-pareho ang laman ng reklamo ng illegal recruitment, nagkakaiba lamang sa mga taong nabibiktima, nambibiktima at ang tunay na eksenang nangyayari pagkatapos maisagawa ang panloloko.
Nasa BITAG ang babala, at nasa inyo naman ang ibayong pag-iingat. Sa iba, na hindi pa naniniwala, nata tauhan at tinatablan ng banta ng illegal recruitment, kabilang na kayo sa statistika ng mga biktima ng modus na ito.
Paalalang muli ng BITAG, mag-ingat, mag-ingat at mag-ingat!
- Latest
- Trending