Labanan natin ang HIV/AIDS
KAMI ni President Erap at ang aming panganay na anak na si Sen. Jinggoy Estrada ay naalarma sa ulat ng grupong HIV/AIDS Prevention Project ng Philippine Rural Reconstruction Movement (HAPP-PRRM) at ng Asian Development Bank (ADB).
Sabi ni PRRM Executive Director Ding Navarro, sa buong mundo ay mahigit 20 milyong katao na ang namatay sa AIDS, 40 milyon ngayon ang maysakit nito o tinatawag na Person(s) Living With HIV and AIDS (PLWHA), at araw-araw ay 12,000 pang katao ang nadadagdag sa listahan. Sa Pilipinas umano, 200 katao na ang namatay sa sakit na ito.
Ayon naman sa ADB, tatlo sa bawat apat na Pinoy na may HIV ay hindi alam na may virus sila, at posibleng magtuloy ito sa AIDS. Napuna ng ADB na sa datos ng Department of Health ay 11,200 Pilipino ang may HIV noong 2005, pero hanggang ngayon, 2,818 lang ang nakarekord sa Philippine National AIDS Registry. Ang mga nakarehistro kasi ay yun lang mga na-diagnose sa ospital o klinika.
Ang HAPP-PRRM at ADB ay kapwa naliligalig sa ganitong sitwasyon. Yun kasing mga hindi alam na may HIV sila ay baka makahawa sa ibang tao sa pama magitan ng pakikipagtalik, blood transfusion, needle prick injuries, intravenous drug use, o, mula sa ina patungo sa kanyang sanggol.
Ayon kay Ginoong Navarro, hindi natutupad sa bansa ang Philippines’ HIV/AIDS Prevention and Control Act of 1998 na nag-aatas sa lahat ng LGUs sa buong bansa na magbuo ng HIV/AIDS council, at sa mga pribadong negosyo na maglunsad ng sariling mga aktibidad tungkol dito. Iilan lang daw na LGUs at negosyo ang sumusunod.
Payo ko kay Jinggoy, ungkatin niya ito sa mga ahensiya ng pamahalaan, LGUs at mga negosyo, at alamin din niya kung ano pang lehislasyon ang kailangan dito.
Sinabi ni Jinggoy na naliligalig din siya sa sitwasyong ito na kulang ang ginagawa ng pamahalaan sa paglaban sa HIV/AIDS. Tiniyak niya na isusulong niya ito nang husto sa 14th Congress.
* * *
Para sa mga suhestiyon o komento, maaari kayong mag-e-mail sa doktora_ng_masa @yahoo.com.ph
- Latest
- Trending