HILUNG-TALILONG sa kasalukuyan si Carol Araullo, ang chairwoman ng Plunderwatch bunga sa hindi niya alam kung ano ang gagawin niya habang malapit nang ibaba ng Sandiganbayan ang desisyon ukol sa kaso ni dating Pres. Joseph ‘‘Erap’’ Ejercito.
Bilang background mga suki, ang Plunderwatch ay itinatag ng CPP-NPA para siguruhin ang conviction ni Erap at mga kapwa akusado niya sa plunder case. Noon kapag hindi gusto ng Plunderwatch ang mga desisyon ng Sandiganbayan, aba nag-iingay si Araullo at mga alipores niya. Pero tulad ni CPP founder Jose Ma. Sison, tahimik na rin itong nagdaang mga araw si Araullo at mga kaalyado niya sa Plunderwatch tungkol sa magiging verdict ng Sandiganbayan ke Erap. Alinsunod sa mandate ng Plunderwatch si Araullo ay dapat mag-lobby o magsisigaw ng guilty verdict, di ba mga suki? He-he-he! Nasayang lang ang ginastos na pondo ng Plunderwatch dahil malinaw na nalusaw na parang bula ang pinagtrabahuhan nila sa anim na taon.
Kung sabagay, batid ni Araullo na ang CPP-NPA ay mukhang nagiging kaalyado na ni Erap. Eh malaking papel na nga ang ginampanan ng CPP-NPA para mapatalsik sa Palasyo si Erap noong 2001 pero bakit maganda ang relasyon nila sa ngayon? Di ba ang CPP-NPA rin ay may malaking papel din na ginampanan para manalo ang Genuine Opposition (GO) ng nakaraang election?
Usap-usapan kasi mga suki sa Manila Police District (MPD) ang balita na nagpakawala ng P40 milyon na budget si Erap sa CPP-NPA para bantayan ang boto ng GO. At ang tumanggap ng pera ni Erap ay sina RC Constantino at Nathaniel Santiago, ayon sa balita. Batid naman ng taga-MPD na si Constantino ay markadong makakaliwa samantalang si Santiago ay secretary-general ng Bayan, na front organization naman ng CPP-NPA. Totoo ba na hindi naman nagastos na lahat ang pera ni Erap dahil mga pagkain lang at maliliit na bagay sa opisina ang binili ng mga opisyal ng Pollwatch? Kasi nga panay mga volunteers lang ang kinuha nila para bantayan ang boto ng GO. May nagsunog kaya ng natirang milyon na pondo ng Pollwatch? He-he-he! Hindi ko sinabing sina Constantino at Santiago ang nagbulsa ng pondo ha mga suki!
Si Constantino naman ay namo-monitor ng military intelligence na palaging bumibisita kay Erap sa detention cell niya sa kanyang resthouse sa Tanay, Rizal. Pinag-usapan kaya nina Constantino at Erap ang mass protest action na gagawin ng mga kaalyado nila kapag guilty ang verdict ni Erap? Tanong lang po! Kapag natuloy ang mass protest action ng mga leftist organization kapag napatunayan ng Sandiganbayan na nagkasala si Erap, aba baka doon gagamitin ang natirang pondo ng Pollwatch, di ba mga suki?
Ngayon mga suki, kung ikaw si Araullo, ano ang gagawin mo sa Plunderwatch kung gagawin mong basehan ang magandang relasyon ng CPP-NPA kay Erap? Abangan!