Human Insecurity Act: Antay Terror Law
Walang duda na ang isang Anti-Terror Law ay napapanahon. Ang Pilipinas din ay madalas mabiktima ng terorismo. Dito pa napili ng ilang “terrorist” groups na magtayo ng HQ kaya mainit ang mata ng Amerika at iba pang alyado sa ating batas laban sa terorismo. Subalit kung ang gobyerno ay hahakbang laban sa salot, kailangang siguruhin na walang mapipinsala sa gagamiting pamamaraan. Ang buhay at kalayaan ng mamamayan ay kasing halaga ng seguridad ng bansa. Ano ang pakina-bang natin sa isang Anti-Terror Law na upang tayo’y proteksyunan ay tayo rin mismo ang parurusahan?
Ganun na lang ang takot ng tao dahil sa daming nagpapahayag ng pagtutol sa batas. Maski ang kinatawan ng UNITED NATIONS ay nagduda na ang ilang probisyon ng batas ay hindi papasa sa international standards ng human rights, umpisa na sa kakulangan ng depinisyon ng Terorismo. Tanggap naman ng lahat na maganda rin siguro ang intensyon ng mambabatas. Ang hinihingi lang ay bago ito ipatupad sa Sunday, July 15, dapat meron nang IRR o implementing rules nang mabigyan ng karampatang direksyon o guidance ang mga magpapatupad, kontra abuso. Pinapayagan ang pag-“wiretap” o “bugging” ng telepono; arrest without warrant; pagbukas ng deposito sa bangko; pagbawal sa biyahe; at pagkumpiska ng pag-aari. Hindi ba rasonableng katakutan ang abuso nito? Pag may IRR, mababawasan ang nerbiyos.
Hindi maaring arborin ni Gng. Arroyo ang tiwala ng tao na hindi niya ito gagamitin upang mamerhuwisyo. Pasung-paso na tayo sa E.O. 464, Calibrated Pre-emptive Response (CPR) Policy at Proclamation 1017. Kapag hindi pa mapagbigyan ang kahilingang itong papawi sa takot ng tao, sa isang iglap ay lilinaw na rin ang depinisyon ng terorista. Hindi ba’t terorista ang nananakot ng tao?
- Latest
- Trending