Mga pulis sa Teachers at UP: Trabaho naman
NAG-AALALANG sumulat mula sa Japan ang mambabasang si Jorge Andrada. Kamakailan kasi, nabiktima ng pambabato sa gilid ng Stud Farm sa UP-Diliman campus ang pamangkin niyang lalaki na high school student sa Ateneo-Katipunan. Lumalabas na malimit pala ang paghahagis doon ng malalaking bato sa mga dumadaang sasakyan. Kapag huminto ang sasakyan, dudumugin ito ng mga holdaper. Ang malaking bato na ipinukol sa taxi na sinasakyan ng batang pamangkin ni Andrada ay tumama sa kanyang mukha, wasak at duguan ang kanyang ilong. Malaking halaga na ang nagasta ng mga magulang para sa emergency treatment sa biktima. Malaking gastusin pa ang kanilang hinaharap para sa reconstructive surgery sa pagbuo ng nasirang ilong.
Humingi ng official report ang ina ng biktima sa UP Police Department. Kailangan ito para makakubra man lang nang konti sa medical insurance. Aba’y ang colonel na dapat maglabas ng report ay humingi pa ng pera sa pamilya ng biktima para gawin ang routine duty.
Tungkulin ng UP police na panatilihin ang katahimikan sa loob ng campus. Kung hindi nila kaya ang mga lumpen sa Stud Farm, maari silang humingi ng reinforcements sa Quezon City police precinct sa karatig na Teachers’ Village. Trabaho ng dalawang unit na ito na panatilihin ang kaayusan at katahimikan ng mga residente, estudyante at motorista sa pook. Hindi dapat sila naniningil ng kahit ano para gawin ang trabaho.
Pero tulad na lagi kong sinasabi, kakambal ng kabobohan ang katiwalian. Dahil buktot na nanghihingi ng suhol ang colonel sa UP Police Department para lang sa trabahong mag-isyu ng report, palpak din ang kanyang trabaho. Aba’y hindi lang ang naturang pamangkin ni Pilipino Star NGAYON reader Andrada ang nabiktima ng mga magnanakaw sa Stud Farm, kundi iba pang nabato rin. At may dalawang Japanese exchange students ng misis ni Andrada ay naholdap din sa ibang sulok ng UP-Diliman campus. May mga nawawalang tao pa nga diyan sa magulong Stud Farm, pero tila walang pakialam ang pulis.
- Latest
- Trending