IKINATUWA ni Vice President Noli De Castro ang desisyon ng Korte Suprema na sang-ayunan ang 20% discount sa gamot para sa mga senior citizens. Siya rin ang pangunahing may-akda ng batas na nagkakaloob ng diskuwento sa gamot para sa ating mga senior citizens noong siya’y senador pa. Ibinasura ng korte ang dahilan ng mga drugstore na mababawasan ang kita nila kapag ipinagpatuloy ang diskuwento. Pero dahil nga sa E-Vat, halos 8% na lang ang diskuwento ng mga may-edad nating mga mamamayan.
Bakit ba mahal ang gamot sa atin, isa sa pinaka- mataas sa Asya? At bakit ba tila napakahirap pumasa ng mga batas na magpapababa sa presyo ng gamot sa bansa? Kailangan pang pag-awayan ng ating mga mambabatas ang kani-kanilang bersyon. Ganun ba kalakas ang mga kompanyang gumagawa ng mga gamot, na kaya nilang harangin ang mga batas na magpapababa sa presyo ng mga gamot? O di kaya’y mang-impluwensiya ng mga kongresista na huwag suportahan ang anumang batas na magsasagawa nito? Ganun ba talaga kamahal ang gamot?
Sa mga biyahe ko ay napansin ko na may mga gamot na mura naman sa ibang bansa kaysa rito sa atin. Kaya naman minamabuti na rin ng marami na makabili ng mga gamot kapag nasa ibang bansa.
Isang dahilan na rin kung bakit mahal ang gamot ay ang agresibong mga marketing strategies ng mga kompanya. Kasama na rito ang mga komersiyal sa print at electronic media, mga med at sales rep na umiikot sa buong bansa, mga sponsorship at junket para sa mga duktor, at pagkuha ng mga endorser tulad ng artista o sikat na tao. Lahat yan ay babagsak din sa “puhunan” sa paggawa ng gamot, na ipinapasa na rin sa mga namimili. Ang kakulangan sa pag-implemento rin ng Generics Law ang siyang dahilan kung bakit mga “name-brands” pa rin ang pinipili ng mga mamimili.
Kailangan magkaroon ng matatag na kaloobang pulitikal para matupad na ang pangarap ng marami na maging abot-kaya ang presyo ng mga gamot, lalo na para sa mga kondisyon tulad ng alta-presyon, sakit sa puso at bato, rayuma at diabetes. Ipasintabi na muna ang mga pagkakaibang pananaw hinggil sa pagpasok ng murang gamot sa bansa. Lahat naman ay makikinabang, dahil lahat naman siguro ay magkakasakit balang araw.