GAANO MO KAKILALA ANG KAIBIGAN MO? Kung minsan it takes a “whole lifetime” para makilala siya ng lubusan. Kung minsan din kahit mahigit na dalawampung taon na nating kaibigan hindi pa natin siya lubusang nakikilala. Kaya nakakarinig tayo ng mga katagang “hindi naming akalain na gagawin niya ito sa amin.”
Walang tigil ang luha ni Sherwin Lazar ng Cubao, Quezon City upang humingi ng tulong na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang kapatid ni si Edwin Lazar ng magpunta siya sa aming tanggapan.
Naging mabigat ang tadhana para kay Edwin. Ang asawa niya ay namatay dahil sa panganganak kaya naman mag-isa niyang itinataguyod ang mga anak.
Maski sa kaibigan, hindi niya akalain na ang itinuring niyang paminsan “parang kapatid, kapitbahay at hingahan ng sama niya ng loob ay siyang tataksil sa kanya at gagawa ng hindi maganda.
Wala siyang pinakitang masama sa kanyang kaibigan, kapitbahay at parang kapatid na si Ariel Melencion ng Brgy. Guinhawa, Quezon, Quezon Province, ang tatapos ng kanyang mga panaginip hindi lang para sa kanyang sarili kundi para na rin sa kanyang mga anak.
Ika-24 ng Agosto 2001 ng hapon, sa bahay nina Ariel delos Santos ay nag-iinuman ang mga ito kasama ang biktima, at sina Efren Oliveros at Dante Llaneras. Bandang alas-5 ng hapon nang mapadaan naman ang suspek na si Ariel Melencion kaya naman ito ay kanilang inanyayahan na makiharap sa kanilang inuman.
Pinaunlakan naman ni Melencion ang paanyaya sa kanya. Habang nag-iinuman ay nagkukuwentuhan ang mga ito hanggang sa mauwi ang kanilang usapan patungkol sa kinakasamang babae ng ama ng suspek. Hindi naman nagustuhan ni Ariel ang naging sentro ng usapan lalo pa’t patungkol sa kanyang ama at sa babae nito ang usapan. Nauwi sa mainitang pagtatalo ang dalawa.
Muntikan na rin mag-abot ang dalawa subalit naawat naman ang mga ito subalit bigla na lamang kumuha ng kahoy itong suspek at tatlong beses na ipinukpok sa ulo ng biktima. Matapos ang ginawang pamumukpok umalis ang suspek at umuwi sa kanilang bahay.
Pag-uwi naman nito sa kanilang bahay ay agad na bumalik din. Sa pagbalik nito may dala-dala na itong patalim. Hinabol nito si Edwin ng saksak na noon naman ay tumakbo patungo sa likod bahay nito. Subalit pagdating doon ay inabutan siya nitong si Ariel Melencion.
Walang awang sinaksak ng suspek si Edwin na noon ay napabaon ang paa sa putikan kaya hindi na rin nagawang makatakbo pa, ayon sa salaysay ng mga nakasaksi sa pangyayari.
Matapos ang ginawang krimen ay mabilis na tumakas ang suspek mula sa pinangyarihan ng krimen habang ang biktima naman ay naiwan na nakahandusay at duguan.
Sinubukan naman ni Janice Lazar, isa sa mga nakakita sa ginawang pananaksak kay Edwin na humingi ng tulong sa mga kapitbahay upang madala sa ospital ang biktima subalit nang isasakay na nila ito sa sasakyan binawian na ito ng buhay.
Dalawang tama ng saksak ang tinamo ni Edwin na naging dahilan ng pagkamatay nito. Nagsampa ng kaso ang pamilya ng biktima laban sa suspek na si Ariel Melencion dahil sa pagkakasaksak nito kay Edwin.
Nagkaroon ng preliminary investigation subalit mariing itinatanggi ng suspek na siya ang responsable sa pagkamatay ni Edwin. Sinasabi niyang si Ariel delos Santos ang nakasaksak dito subalit marami ang nakakita at ang ilan sa kanila ay nagbigay rin ng salaysay na si Ariel Melencion ang nakasaksak dito.
“Wala naman kaming magawa sa ilang mga kapitbahay na nakakita ng pangyayari na magbigay din sila ng pahayag na si Ariel Melencion talaga ang sumaksak sa kapatid ko subalit dahil sa takot ay pinili na lamang nila ang manahimik dahil baka sila naman ang balikan ng suspek,” pahayag ni Sherwin.
Sigurado naman ang pamilya ni Edwin na si Melencion nga ang may kagagawan sa pagkamatay nito. Nahaharap sa kasong Homicide ang suspek subalit pansamantala itong nakakalaya matapos makapagpiyansa.
May mga testigong hinarap din si Melencion na ibinabaling ang kanyang kasalanan kay Ariel delos Santos. Subalit para sa mga Lazar at dahil na rin sa mga nakikita sa totoong pangyayari na si Melencion ang talagang sumaksak dito.
Ayon pa kay Sherwin, sinasabihan ang kanyang pamilya na sila pa ang ihahabla dahil sa mali nilang pag-akusa dito. Pinagpipilitan nito na si Ariel delos Santos ang sumaksak kay Edwin at hindi siya subalit nakakasiguro sila na si Melencion ang responsible dito.
Mula taong 2001 hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nasesentensyahan ang akusado. Hangad ng mga Lazar na mabigyan ng hustisya ang nangyari kay Edwin. Umaasa silang mapabilis ang pag-usad ng kaso nang sa gayon ay mapatawan ng karampatang parusa ang suspek dahil sa ginawa nitong krimen.
Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong mag-text sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig.