EDITORYAL - Illegal school fee collection
ISANG buwan na ang nakararaan, isang nagngingitngit na ina mula sa Caloocan City ang sumulat sa Dear Editor ng pahayagang ito at inirereklamo ang illegal na collection na ginagawa ng public school na pinag-aaralan ng kanyang dalawang anak. Hiniling ng sumulat na huwag nang banggitin ang kanyang pangalan at baka naman buweltahan ng school ang kanyang mga anak. Gusto lamang daw niyang ipaalam sa Department of Education (DepEd) na sa kabila na ipinagbabawal ang koleksiyon ng kung anu-anong school fees ay patuloy pa rin ang karamihan sa mga school at kabilang nga ang pinag-aaralan ng kanyang mga anak.
Makalipas ang isang linggo, isa na namang ina mula sa Novaliches, Quezon City ang sumulat sa pahayagang ito at inirereklamo rin ang school na pinag-aaralan ng kanyang mga anak dahil sa pangungulekta ng kung anu-anong illegal fees. Gusto man daw niyang magreklamo sa pamunuan ng school ay hindi niya magawa dahil natatakot na baka naman mga anak niya ang gantihan. Kaya ipinasya na la mang niyang sa pahayagan isulat ang reklamo para madali rin namang magawan ng DepEd ng solusyon ang problema. Sabi ng ina sana naman daw ay hindi mag-ningas kugon ang DepEd sa problemang ito na tuwing pasukan na lamang ay sumusulpot. Dagdag na pasanin sa kanilang balikat at sakit sa bulsa ang ginagawang pangungulekta ng mga school fees.
Napatunayan naman namin na talagang may mga public school na nangungulekta ng illegal fees o contributions. Ang DepEd mismo ang nagsabi na may mga pasaway na school. Kabilang sa mga school na binaggit ng DepEd ay ang Novaliches Elementary School, Krus na Ligas Elem. School, Holy Spirit Elem. School, Commonwealth Elem. School, San Antonio Elem. School at Lagro National High School na pawang nasa Quezon City.
Magsasagawa na ng imbestigasyon ang DepEd sa mga nabanggit na school at desidido umano si DepEd Sec. Jesli Lapus na sibakin ang mga opisyal ng school na mapapatunayang nagkasala. Hindi raw palalampasin ang mga ganitong corrupt na opisyal. Sisiguruhin ng DepEd na walang magulang na magbabayad ng illegal fees. Nakabantay ang DepEd sa mga galaw ng school officials.
Sana nga ay hindi ningas-kugon ang DepEd at masawata ang mga corrupt na opisyal. Ngayon ay simula ng school year 2007-2008 at tiyak na mayroon pang hihirit na mga corrupt para malansi ang mga magulang. Hindi na dapat maulit ang ganito. Sa mga magulang na mabibiktima ng mga corrupt na opisyal o guro, agad itong isumbong. Putulin ang kanilang bawal na gawain.
- Latest
- Trending