MAY nakakwentuhan akong retiradong heneral ng Philippine Air Force kamakailan. Tinanong ko sya kung ano ang tingin nya sa AFP ngayon. Tumahimik muna sya sandali at tila gumunita. Nang magsalita na sya, binanggit nya na inabot nya ang panahon na ang Philippine Air Force ang siyang kinatatakutan sa buong timog-silangang Asya dahil sa klase ng mga eroplanong ginagamit nito, yung F-5A at F-5B Freedom Fighter. Wala nang lumilipad na ganitong eroplano natin ngayon. Dahil sa kalumaan, may mga aksidenteng naganap, may mga napinsalang piloto at sibilyan na syang naging sanhi ng pagtigil sa gamit ng eroplano. Mga ibang kapitbahay nating bansa ay tuloy ang paggamit ng Freedom Fighter, pero mga mas bagong modelo. Ngayon mas marami nang piloto kaysa eroplano ang Hukbong Himpapawid natin. At huli na tayo sa timog-silangang Asya base sa klase ng mga eroplanong kasalukuyang ginagamit natin. Nakakaawa nga naman.
Yan ang kalagayan ng buong AFP ngayon, hindi lang ang Hukbong Himpapawid. Mga kulang at makalumang gamit, karamihan ay nanggaling pa sa pangalawang digmaang pandaigdig at sa Vietnam War; kulang sa pondo — produkto ng katiwalian sa gobyerno pati na rin sa loob ng organisasyon ng military; mababang sweldo at kakaunting benepisyo lamang. Ano ang dahilan kung bakit nagkaganito na tayo? Kailan lang ay tayo ang kinatatakutan, tayo ang may mga bagong gamit, tayo ang respetadong hukbong sandatahan sa timog-silangang Asya?
Siyempre unang-una na rito ang katiwalian sa gob-yerno na umapaw na rin sa militar. Hindi ba’t ito nga ang ipinagrerebelde sa Oakwood at doon sa naunsiyameng rebelyon sa Fort Bonifacio noong Pebrero? Ang pondong karapat-dapat sana sa militar ay kung saan-saan(kani-kanino) na lang daw napupunta ayon sa di iilan. Imbes na mapunta sa pagbili ng kagamitan, sa bulsa na lang ng iilang tao sumusuot. Imbis na magaganda at makabagong gamit o sandata, ang suspetsa ay bagong bahay at kotse na lang para sa iilan. Nalulungkot akong isipin na kasama na rin dito ang ilang matataas na ranggong sundalo. At ang magagandang gamit nga daw ay napupunta lamang sa mga nagbabantay ng Malacañang!
Kailan lang ay sunud-sunod ang pagbagsak ng mga Huey UH-1H helicopters. Dalawa sa isang araw! Ito pa yung mga binigay sa Pilipinas kailan lang. Mga beterano ng digmaan sa Vietnam noong 1960s! Pahayag naman ng AFP: ang sanhi ng pagbagsak ay hindi dahil sa luma na o may diperensya ang mga helicopter. Maaari ay sala daw ng mga piloto, o dahil pa daw sa pisi ng saranggola! E kung pisi lang ng saranggola ay mapapabagsak na ang helicopter na ito e paano pa kaya kapag dinadala na ito sa labanan at bala na ang kaharap! Baka magpalipad na lang ng maraming saranggola ang mga kalaban ng bayan pag alam na paparating na ang AFP!
Ang lakas ng isang bansa ay madalas sinusukat sa lakas ng kanyang militar. Malaking bahagi ng budget ng mga mayayamang bansa ay napupunta sa militar. Ang Top 5 na gumagastos para sa kalakasang militar sa buong mundo ay ang Estados Unidos, UK, France, Germany at Hapon. Kung ganito nga ang panukat, e hindi siguro tayo makakaporma sa ngayon. Hindi naman kulang ang tapang at dedikasyon ng ating mga magigiting at marangal na sundalo. Kulang lang talaga tayo sa gamit at pondo. Kung magaganda at moderno lang ang gamit ng AFP ngayon, matagal na sigurong napuksa ang mga kalaban ng bayan tulad ng Abu Sayyaf, MILF, at NPA..
Siguro nga malakas ang loob ng mga insurektos dahil alam nila na hindi lang kulang sa kapabilidad ang AFP kundi kulang sa integridad ang pamunuan.