EDITORYAL - Maraming ayaw tumanggap ng pagkatalo
Ang kapalaran ng pang-10 hanggang pang-12 senador ay hindi pa malaman kung kailan magwawakas. Patuloy pa rin ang pagbilang ng mga boto. At habang ginagawa ang pagbilang ay hindi naman matapus-tapos ang dasal ng mga nakabingit na kandidato. Hindi nila alam kung sino ang mananalo sapagkat magkakadikit ang kanilang nakuhang boto. Ang matindi niyan ay ang umaatikabong protesta kapag ipoproklama na kung sino ang ika-10, 11 at 12. Tiyak na maghahabol ang nasa ika-13 at sasabihing siya ay dinaya. Maraming makikitang dahilan ang maghahabol at kaliwa’t kanang protesta ang kanyang idudulog sa hukuman. Hindi niya basta matatanggap ang pagkatalo.
Hindi lamang sa mga nahalal na senador may mga nagrereklamo, mas marami rin ang sumisigaw na sila ay dinaya sa mga kandidato sa local positions. Iisa ang kanilang sigaw, maghahabol sila sa husgado sapagkat sila ay dinaya ng kalaban. Hindi sila makapapayag na basta maupo ang taong mandaraya.
May karapatan naman ang mga kandidato na magsampa ng electoral protest. Kung inaakala nilang dinaya sila at may sapat namang ebidensiya, maaari nilang gawin iyon. Dapat lamang ay gawin sa isang legal na paraan at hindi sa madugo.
Maraming reklamo kapag natalo. Dinaya siya. Kahit na malaki ang lamang ng kalaban ay sumisigaw pa rin ng pandaraya. Gaano katagal mareresolba ng Comelec ang mga kasong ganito. Ewan. Mahirap sagutin.
- Latest
- Trending