NAKATANIM na sa isip ko ang eksenang ‘yon sa telebisyon. Inalis ni Mr. Shooli ang kanyang Mongolian hat. “Ako ngayon si Jun Urbano,” wika ng komedyante-direktor, “at isasaad ko lang ang aking palagay tungkol sa ekonomiya, na sabi nila ay umuunlad:
“Si Tatay, OFW sa Saudi. Si Nanay katulong sa Singapore. Si Kuya, sumasapalaran sa Taiwan. Si Ate ay Japayuki. Si bunso, nurse sa America. ‘Yan ba ang kaunlaran?”
Sa simpleng salita ipinakita ni Urbano na walang laman ang sinasabi ng gobyerno tungkol sa ekonomiya. Kesyo P47:$1 na lang ang palitan ng piso, at maari pang pumalo nang P46:$1, kaya mura na daw ang imported goods. Kesyo dulot daw ito ng pagdagsa ng dayuhang puhunan, dahil sa galing umano ng administrasyon.
Oo, lumalakas nga ang piso kontra dolyar. Pero dahil ito sa pagdami ng OFWs, dati’y 7.4 milyon, ngayon higit 9 milyon — kasi walang trabaho sa Pilipinas. Humihina rin ang dolyar dahil tinatalo ng China at India ang America sa manufacturing. Miski lumalakas ang piso, wala talagang malaking epekto sa mamamayan. Umaasa ang maraming pamilya sa remittances ng 9 milyong OFWs para mabuhay. Hindi bagong investments ang pumapasok na dolyares kundi padala ng OFWs para sa pagkain, pag-aaral at pabahay ng mga iniwan. Samantala, 4 milyon pa rin ang walang trabaho sa Pilipinas, at 11 milyon ang kapos ang suweldo.
Napatunayan sa pag-aaral na malamang mawasak ang pamilya kapag nag-OFW ang Tatay o Nanay. Nangangaliwa ang magulang, napapabayaan ang anak. Napan-sin din ng Philippine Association of Colleges and Universities na malamang mag-drop out ang anak ng OFWs dahil sa maraming dahilang hindi na maharap ang kolehiyo. Sayang, dahil kumakayod sa abroad si Tatay o Nanay para matutustusan pa naman sila ng kalidad na schooling.
Tapos, hinaing nga ng sakdal-laya.mysite.com na website ng OFWs, inuuto pa sila ng gobyerno at tinatawag na mga “bagong bayani” kuno.