DEAR Dr. Elicaño, ano po ba ang trichinosis? Sabi raw po kapag nahilig po akong kumain ng mga iniihaw na karne sa kalye kagaya ng barbecue at parte ng manok ay magkaka-trichinosis. — Marcial ng Sampaloc Manila
Ang trichinosis ay parasitic infestation kung saan ang mga uod na tinatawag na Trichinella spiralis ay nakatira sa mga hayop particular sa mga baboy. Ang mga uod ay nasa karne at nananahan sa muscle tissue nito. Naisasalin ito sa tao kapag ang karne ay hindi gaanong naluto. Karaniwang sa mga sausages makikita ang Trichinella spiralis.
Ang trichinosis ay hindi naman gaanong delikadong sakit subalit may mga taong nagkakaroon ng malubhang kumplikasyon kapag dinapuan ng sakit na ito. Ilan sa kanila ang nagkakaroon ng problema sa puso, baga, at central nervous system. Kabilang sa mga kumplikasyon ay ang meningitis, encephalitis (pamamaga ng utak), myocarditis (pamamaga ng kalamnan ng puso), pneumonitis (pamamaga ng baga), pleurisy at problema sa paningin at pandinig.
Ang sintomas ng trichinosis ay hindi pare-pareho at batay din sa overall health ng pasyente at depende sa bilang ng parasites na pumasok sa kanyang digestive system. Ang ilan ay walang sintomas na nararamdaman pero ang iba naman ay grabe.
Ang uod o parasites ay pumapasok sa digestive system at pagkaraan ng ilang araw ay nakatira na sa intestinal wall at doon magpo-produce ng larvae. Maaaring magkaroon ng gastrointestinal symptoms na kinabibilangan ng pananakit, diarrhea at kawalan ng ganang kumain. Makadarama ng panghihina ng katawan at hirap sa paglunok ng pagkain, pagnguya at pagsasalita.
Ang taong dinapuan ng trichinosis ay makadarama rin ng pananakit ng muscles at fatigue sa loob ng ilang buwan makaraan ang infection. Magagamot ang sakit sa pamamagitan ng mebendazole o thiabendazole. Kailangan ang kumpletong pamamahinga at nararapat uminom nang maraming tubig.