EDITORYAL — Paano ang basura ng mga kandidato?
NATAPOS din ang walang patid na pagdidikit ng mga campaign posters sa mga pader. Makahihinga na ang mga punongkahoy na pati ang katawan ay dinidikitan ng mga mukha ng kandidato. Tapos na ang pag-aaway ng mga supporters dahil lamang sa pagdidikit ng campaign materials ng kani-kanilang kandidatong sinusuportahan. Sabi ng Comelec, dalawang araw lamang at mayroon nang ipuproklamang kandidatong nanalo.
Sa madaling sabi, tapos na ang election at balik na sa normal ang buhay ng mamamayan. Ang tanging hindi pa nakababalik sa normal na pamumuhay ay ang mga kandidato. Habang may binibilang na balota, ang agam-agam nila sa dibdib ay hindi nawawala. At mas lalong hindi mapalagay ang mga kandidatong gumastos nang malaki pero hindi man lamang nasampid at walang pahiwatig na mananalo.
Manalo man o matalo ang mga kandidato, ang isang tiyak, tapos na nga ang mahabang election period at ang maiiwan ay ang mga basurang idinikit sa paligid — sa pader, punongkahoy, gusali at marami pang iba na nagbigay nang masamang tanawin.
Sa Maynila, wala nang disiplinang ipinakita ang mga nagkabit ng posters sapagkat kahit sa mga lugar na ipinagbabawal dikitan ay nilagyan din. Kahit ang mga pader na malinis at may nakalagay na “bawal dikitan” ay hindi rin pinatawad.
Ang Commission on Election ay walang ngipin at hindi naipatupad ang pagbabawal sa pagdidikit ng mga campaign posters. Kahit saan-saan na lang lalo pa nang malapit nang idaos ang election. Mayroon pang dalawang grupo ng supporters sa Quezon City na muntik nang magsagupa sapagkat binabaklas ang posters ng isang kandidato at idinidikit ang kanilang sinusuportahan.
Ngayon, ang dumi at kalat ng kandidato ay malaking isyu sapagkat sino ang mag-aalis ng mga ito. Mabuti sana kung may mga kandidatong responsible at sila ang mangunguna sa pagbaklas ng kanilang posters. Tanging si Quezon City Mayor Sonny Belmonte ang nagsabing tutulong siya sa pag-aalis ng mga posters. Siya pa lang ang nagkukusa sa pag-aalis ng mga nakadikit na dumi. Panalo na si Belmonte sa QC.
Masyadong marumi ang kapaligiran pagka- tapos ng election at dapat lamang na tumulong ang mga kandidato para maibalik ang kalinisan.
- Latest
- Trending