NGAYON na tapos na ang botohan, simula na ng bantayan. Hindi lamang sa pagbibilang ng mga boto kundi sa pagsingil sa LAHAT ng mga pinangako ng mga kandidatong nanalo. Kaya dapat tandaan ang mga slogan nila, mga jingle nila, mga political advertisement sa telebisyon at radyo, mga sinasabi nila habang nakipagkamay sa inyo. Tulad ng binanggit ko na sa mga nakaraang isyu, kadalasan nalilimutan ka na, mga pangako nila, kapag nanalo na.
Mabuti nga siguro maglagay ng mga billboard sa mga lansangan, siyudad, distrito ng mga nanalong kandidato, na nakalista ang lahat ng pangako sa ilalim ng mga pangalan nila. Kapag may natupad, lagyan ng “check”. Sa katapusan ng kanyang termino, kailangan lang tingnan ang mga billboard kung anu-ano ang natupad, at alin ang hindi. Pag naghalalan muli at tumakbo ulit yung kandidato, alam n’yo na kung paano kayo boboto. Karamihan naman sa mga ‘yan, magpapayaman lang at magpapasarap sa buhay. Sa totoo lang no, hindi naman serbisyo sa mamamayan ang pangunahing layunin ng pulitiko kundi siya ang silbihan!
Nalungkot ako sa mga pangyayaring naganap nung botohan. Mga news reports na pumapasok na nagmula sa buong Pilipinas tungkol sa mga kaganapan sa mga voting centers, iisa lang ang ulat — magulo. Kasama na rito ang mga kulang na gamit, huling pagsisimula ng botohan, mga election violations. Mga kababalaghan tulad ng brownout, nawawalang mga pangalan, mga dumadaming pangalan! Hindi pa rin ba maayos ng COMELEC ang lahat ng mga problemang ito e ilang beses na rin tayo nagka-eleksyon?! O sadya bang nagkakaroon ng gulo para maisagawa ang lahat na nang klaseng pandaraya?
Kaya ito na ang panahon para bantayan ang pagbibilang. Mga organisasyon tulad ng NAMFREL, PPCRV, at kung anu-ano pang election watchdogs ay kailangan nang umaksyon para maiwasan at mapigilan ang dayaan. Kasama na rin dito ang media at civic action groups. Maganda sana kung katulad tayo ng ibang bansa na araw pa lang ay alam na kung sino ang mga nanalo. Kung minsan oras nga lang kapag “landslide” ang pagkaka-panalo. Pero mukhang manga ngarap na lang tayo habambuhay. Habang may bumibili ng boto at may nagbebenta nito ay hindi mababago ang pagsasagawa ng eleksyon sa Pilipinas. Gaano naman kaya katagal ngayon bago lumabas ang mga resulta? Ngayon ay tila nasa isang telenobela na tayo. Kaya abangan ang susunod na mga kabanata!