EDITORYAL - Hanapin at durugin ang nambomba sa Tacurong

WALO na ang namamatay sa pambobomba sa Tacurong City noong Martes at maaari pa raw madagdagan dahil 32 pa ang kasalukuyang nakaratay bunga sa malulubhang tama ng bombang sumabog sa kanilang katawan. Napakasakit ng nangyari sa mga biktima at pakiramdam ng kanilang mga kaanak, katapusan na ng mundo para sa kanila. Hindi nila alam kung may katarungang makakamit sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.

At sa kabila na walo na ang namamatay, wala pa namang ginagawa ang mga awtoridad particular ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kung paano mahuhuli at nambomba. Ang isang magandang sinabi ng AFP, identified na raw ang bomber. Kinilala ang dalawa na sina Edris Sabal at Abu Amira ng mga ito ay trainee ng Jemaah Islamiyah. Si Sabal ay suspect na noon pang nakaraang taon dahil sa pambobomba isang public market sa Koronadal, South Cotabato.

Ang dalawa ay bihasang-bihasa umano sa paggamit ng bomba.

Kilala na pala ng AFP ang mga "uhaw sa dugo" na terorista pero bakit kailangang patagalin pa ang pagdakma sa kanila. Malaki ang kasalanan ng mga terorista at dapat lamang silang magbayad. Ang pangyayari sa Tacurong ay maaaring maulit kung hindi pa gagawa ng agarang hakbang ang AFP. Baka mas marami pa ang mamatay. At paano kung sa panahon pa ng eleksiyon isagawa ang pambobomba? Hindi imposible ito sapagkat masyadong "uhaw sa dugo" ang mga miyembro ng Jemaah Islamiyah.

Walang ipinagkaiba ang mga teroristang ito sa Abu Sayyaf na wala ring hinahangad kundi ang pumatay ng kapwa. Nabalita na kinukupkop ng mga Abu Sayyaf ang mga teroristang Jemaah Islamiyah. Ang dalawang Indonesian terrorists na sina Dulmatin at Umar Patek ay kasama ng mga Abu Sayyaf sa kasalukuyan. At maaaring sila ang nagplano ng pagkidnap sa anim na construction workers sa Sulu ilang buwan na ang nakararaan. Pinugutan ng ulo ang mga construction workers. Ang mga ulo ay dineliber sa isang kampo ng mga sundalo.

Dakpin at durugin nang pino ang mga nambomba sa Tacurong. Hindi sila nararapat sa mundong ito.

Show comments