Sa totoo, magkapartido dati sina Antonino at Esquivel. Iba ang ugali ng politiko: Padamihan ng baril. Kapag malimit ang gulo sa pulitika, takot ang madla. Sa Nueva Ecija hindi nag-uusap ng pulitika sa publiko; baka kasi may makarining na kalaban, magkasakitan agad. Walang malaking factory o shopping mall sa probinsiya. Laganap lang ay gun-for-hire.
Sandali pa lang sila nagse-secure ng mga politiko, tila nahawa na ang police escorts sa ugali. Hindi naka-uniporme, may kasamang armadong goons, hindi sumusunod sa rules of engagement  basta nagbakbakan na lang nang magkasalubong sa daan. ‘Yan ang hirap kapag pulis na mismo ang nagsisimula ng gulo. Natatakot lalo ang mamamayan na bumoto nang tama  kung boboto pa sila.
At pinag-uusapan na rin lang ang bayolenteng pulis, bakit nakatigil ang kaso ni Sr. Insp. Michael Sanchez ng Quezon City mobile division, na bumaril-patay sa magkapatid na Froilan at Arnold Jimeno sa kainitan ng away-traffic nu’ng Pasko 2005? Pati ang pangatlong kapatid na Ferdinand na nagtakbo sa dalawang naghihingalo ay inatake at pumanaw din noon.
Pangako ni noo’y QC police chief Sr. Supt. Nicasio Radovan na agad didisarmahan si Sanchez, kakasuhang tama, at idadaan sa buong puwersa ng batas. Aba, angal ng bayaw ni Froilan na si Norman Pagdayunan, armado at nasa serbisyo pa si Sanchez, pinahina sa homicide ang kasong multiple murder, at ni hindi nililitis ang kaso. Bakit gan’un?