NAKAUGALIAN na tuwing Labor Day ang pagmamartsa ng mga grupo ng manggagawa. Iwawagayway ang pulang bandera na simbolo ng protesta. Aapaw ang mga manggagawa sa Liwasang Bonifacio sa Maynila, Welcome Rotunda sa QC at Monumento sa Caloocan. Habang nagmamartsa ay may nagsasalita at tumutuligsa sa gobyerno. Walang patid ang pagsasalita na humihiling sa gobyerno ng dagdag-suweldo. Bukod sa dagdag na suweldo, hinihiling din nila na proteksiyunan ang mga manggagawa.
Maging ang Simbahang Katoliko ay hayagan din ang panawagan sa pamahalaan na dagdagan ang sahod para makaagapay ang mga manggagawa sa mataas na presyo ng bilihin. Lumulobo ang mga presyo ng bilihin dahil sa muli na namang pagtaas ng petroleum products.
Pero nakapagtataka naman na sa dami ng pana wagan ng labor sector at Simbahan, tila hindi naman nila napag-uukulan ng pansin ang kawawang kalagayan ng mga batang trabahador na illegal na ni-recruit sa mga probinsiya. Maraming sindikato ang naglipana ngayon na nambibiktima sa mga bata. Ang mga batang nirecruit ay dadalhin sa mga pabrika ng Intsik at doon pagtatrabahuhin. Nakaaawa ang kanilang kalagayan sapagkat walang ventilation ang pinagtatrabahuhan.
Sobra sa oras ang kanilang pagtatrabaho at hindi naman binabayaran ng overtime. Ang ibinibigay na pagkain sa mga bata ay masahol pa sa pagkain ng baboy. Hindi naman makapagreklamo ang mga bata dahil takot sa among Intsik kaya nagtititis na lamang sila sa masamang kalagayan.
Ang kuwartong tinutulugan ng mga bata ay mistulang oven sa init sapagkat walang daanan ng hangin. Sama-sama sila sa kuwarto.
Noong nakaraang linggo isang factory ng Intsik sa Caloocan ang sinalakay ng mga awtoridad dahil sa isang tip ng concerned citizen na may mga menor de edad na nagtatrabaho. Nailigtas ang mga bata na napag-alamang nirecruit sa Surigao.
Labor Day ngayon at sana naman hindi makaligtaan ng mga awtoridad ang kawawang kalagayan ng mga menor-de-edad na pinagsasamantalahan ng mga matatakaw na employers. Kumilos sana ang Department of Labor and Employment at pulisya para mailigtas ang mga bata sa mga Intsik na walang awa. Hulihin ang mga nagre-recruit at imbestigahan naman ang mga magulang ng batang trabahador.