DOT, high gear Sa kanayunan

REST muna tayo sa politics hane? Puro politika na lang ang naririnig natin at nakakaligtaan ang mga nayon na nangangailangan ng kaunlarang pangkabuhayan. Mayroon naman palang kaukulang program ang pamahalaan kaugnay nito. Sa kasalukuyan, nagpapatupad ang Department of Tourism sa pangunguna ng young blood na si Sec. Joseph Ace Durano ng tourism program na ang layunin ay pasiglahin ang ekonomiya sa mga kanayunan as envisioned by the Gloria Macapagal Arroyo regime.

Grassroots Entrepreneurship for Eco-Tourism (GREET) ang tawag. Tiyak kong magiging interesado ang ating mga kababayan dito dahil nagbibigay ito ng puhunan sa mga kabataan para magpundar ng negosyo sa eco-tourism lalu na sa mga nayon. Pero ano ba ang eco-tourism? Ayon kay Durano, ito’y pagdevelop sa mga pook na potensyal na tourism destination sa paraang hindi makapipinsala sa kalikasan. Tiyak kong may kaukulang training na isasagawa ang DOT kaugnay ng ganyang negosyo.

Mayroon palang tinatayang 32 lugar sa bansa na puwedeng pagsimulan ng tourism development na lalahukan ng mga young entrepreneurs, ani Durano. Sa ganyang enterprises, handa ang DOT na magkaloob ng puhunan na mula P50,000 hanggang P100,000 sa mga kabataan o mga organisasyong may magandang konsepto sa eco-tourism.

Inihalimbawa ni Durano ang mga lugar gaya ng Batanes Island, Vigan, Ilocos Sur, Penablanca sa Cagayan Valley, Cordillera Region, Hundred Islands sa Pangasinan at Mt. Pinatubo sa Zambales sa North Luzon. Sa South Luzon, naririyan ang Wawa Dam, Mt. Makiling, Tagaytay Ridge at Taal Volcano, Mt. Isarog sa Camarines Sur at napakarami pang iba. Maging sa Visayas at Mindanao ay maraming potensyal na tourist spots na maaaring idevelop. Bukod sa mailalagay sa mapa ng daigdig ang Pilipinas, ito’y pagmumulan pa ng malaking kita para sa bansa.

Isang serye ng roadshow ang inilunsad na ng DOT para turuan ang mga tao kung paano sila makalalahok sa programang ito. How I wish I can tell all the nitty-gritty details of this program pero kapos tayo sa espasyo. Anyway, puwedeng mag-inquire sa GREET website sa http://www.wowpinoy.net.

Kung papalaring maaprubahan ang apli kasyon ninyo at business proposal, si Presidente Arroyo mismo ang mag-aaward sa inyo ng kailangang puhunan sa Setyembre ng taong ito. Hanep ah!

Show comments