Sinumpang bansa

MAY umiikot na sarkastikong e-mail. Sinumpang bansa raw ang Pilipinas kung saan:

• Lahat ng kalye may basketball court, at isa lang ang public school sa bawat bayan. Pati enhinyero, abogado o accountant ay walang trabaho. Mga doktor nagne-nursing para makapag-trabaho abroad. Mas mahal ang matrikula ng estudyante kaysa kikitain pagka-graduate. Mas malaki ang suweldo ng call center agent kaysa guro. Bawat isa may personal na ghost story. Mga bundok tulad ng Makiling o Banahaw ay mga banal na pook. Normal madukutan ng wallet o maagawan ng bag.

• Lahat puwedeng i-forge sa Azcarraga. Lahat ng hayop kinakain. Mas mahal ang kape kaysa gas. Maaring ikamatay ang pagtawid sa kalye. Ang tourist spots ay ‘yung kung saan can’t-afford ng Pinoy. Ang computer ay pang games o Friendster lang. Ikinakaila pa ang colonial mentality. Maaring magbayad para lumabag sa batas. Miski dukha nakasuot ng Ralph Lauren o Tommy Hilfiger (peke). At may cell phone rin (GSM — galing sa magnanakaw). Busina imbis na preno ang pampahinto ng kotse.

• Uhaw sa tag-init, baha sa tag-ulan. Ang Pambansang Awit ay tinuturing na baduy. Bawat pamilya may sinasandalang OFW. Normal na may daga sa bahay. Inaatasan ng gobyerno ang mamamayan na magdasal ng milagro. Ang soap opera ay totoo at ang balita ay inimbento. Punctual pa rin miski late nang isang oras. Nakalulusot sa kaso ang nagnakaw ng bilyong-piso, pero hindi ang daan-daan lang.

• Lahat gustong mag-immigrate sa America.

Batid natin ang mga bulok sa sistema. Pero hindi natin ginagawan ng paraan. Bumoboto tayo dahil movie o sports celebrity ang kandidato, o kaya’y asawa o kamukha ng celebrity. Hinahayaan din nating mamuno ang drug lords, mamamatay-tao, mangungulimbat — pati manlolokong tulad ni Garci. Binabatikos natin ang katiwa-lian pero kilig na kilig tayong gawing ninong sa binyag o kasal ang mga tiwali.

Hay naku, Pilipinas, sinumpa ka nga yata.
* * *
Abangan: Sapol ni Jarius Bondoc, Sabado, 8 a.m., sa DWIZ (882-AM).

Show comments