Bakit may mga taong hindi marunong umintindi kung sabihin man nitong wala siyang perang ibibigay? Ang nangyayari malakas pa ang loob ng taong itong magalit at makapanakit.
Ganito ang kasong inilapit sa aming tanggapan si Catalina Basa ng Bacoor, Cavite.
Ika-6 ng Nobyembre 2005 bandang alas-5 ng hapon sa Zapote 2, Bacoor, Cavite naganap ang unang insidente. Nanghingi ng pambili ng alak ang suspek na si Edgardo Bobadilla alyas Toots sa biktimang si Joelito Basa. Nagkataon naman walang pera noon si Lito kaya wala itong maibigay. Nang hindi itong makapagbigay nagalit si Edgardo hanggang sa nauwi sa pagtatalo ang dalawa.
Pinalo ni Edgardo si Lito ng dala-dala nitong payong hanggang sa nagbuno na ang dalawa. Naawat naman ang dalawa nang mamagitan ang pinsan ng suspek subalit nagbanta pa ito na ‘TANDAAN MO YAN PARE PAPATAYIN KITA!’ Narinig din ni Catalina ang pagbabantang iyon ni Edgardo kaya naman sinabihan nito ang kanyang asawa na iwasan na lamang ito at pumasok na sa loob ng kanilang bahay.
Lingid sa kaalaman ni Lito na dahil sa pangyayaring iyon ay totohanin na nito ang banta sa kanya. Inakala nitong simpleng away lang ang namagitan sa kanilang dalawa. Habang naglalakad sa isang eskinita si Lito patungo sa bahay ng kanyang kapatid nang makasalubong nito si Edgardo. Paglagpas ng konti ay bigla na lamang pinagsasaksak ng suspek ang biktima sa bandang likuran nito. Sa kabutihang palad naman, nakita ng pamangkin ni Lito, si Lord Man Angue ang ginawang pananaksak ng suspek para ito ay tulungan.
"Nilapitan ni Lord Man ang kanyang tiyuhin at doon ay inabutan pa rin niyang inuundayan ng saksak si Lito. Sinigawan niya ito ng tama na ‘yan subalit siya naman ang binalingan nito ng saksak," kuwento ni Catalina.
Mabuti na lamang at mabalis na nakailag si Lord Man sa tangkang pananaksak ng suspek sa kanya hanggang ang suspek naman ay mabilis na ring tumakas mula sa pinangyarihan ng krimen.
Agad namang dinala sa ospital ang biktima. Ang suspek naman ay hindi na nagpakita pa sa kanilang lugar subalit ilang araw ang makalipas mula nang maganap ang insidente ay bumalik na rin ito sa kanilang lugar.
Nang makalabas ng ospital si Lito ay nagsampa rin ito ng kasong Frustrated Murder laban kay Edgardo dahil sa tangkang pagpatay nito sa kanya.
Hindi naman basta nagtapos dito ang galit ni Edgardo sa biktima dahil sinundan pa ito ng isa pang gulo. Sa puntong ito ay hindi na nakaligtas si Lito sa ginawa ng suspek.
Ika-23 ng Hunyo 2006, kaarawan ng anak ng kumpare ng biktima kaya naman napakiusapan ito na tumulong sa paghahanda at pagluluto sa ihahanda ng mga ito. Pinagbigyan naman ni Lito ang kanyang kumpare.
Bandang alas-7 ng gabi nang umuwi ng bahay si Lito. Samantala ilang sandali ang nakalipas ay nagpaalam ito na pupunta sa basketball court upang manood kung saan ay may naglalaro ng volleyball doon. Habang nanonood ang biktima katabi nito ang kanyang pamangkin na si Jhenalyn Angue. Sa kanilang panonood, may isang bata ang lumapit kay Lito at sinabihang pinapatawag siya ng Kumpareng Dante niya. Nakita rin ni Jhenalyn noong araw na ‘yun si Arman Tolentino alyas Liloy na paikut-ikot sa court na para bang may hinahanap at inaabangan ito.
"Noong umalis na ang asawa ko para puntahan ang sinasabing nagpapatawag sa kanya, tinawag naman si Jhenalyn ng kanyang kapatid para utusan bumili sa tindahan. Habang bumibili daw siya ay nakita niya itong si Edgardo na lumabas ng eskinita at palinga-linga pa ito," salaysay ni Catalina.
Napansin ni Jhenalyn na mula sa likuran ni Edgardo sa madilim na eskinita may dalawang lalaki ang nagpapambuno. Natakot si Jhenalyn kaya hindi agad ito nakakilos. Pagkatapos noon ay dumaan na ang isa pa sa suspek, si Arman sa kabilang eskinita habang si Edgardo naman ay umalis na rin sa lugar na ‘yun.
Bumagsak ang kaaway ng dalawang suspek na hindi naman agad nakilala ni Jhenalyn na ‘yun pala ay ang kanyang tiyuhin. Lumabas sa eskinita ang pasuray-suray na biniktima nina Arman at Edgardo at doon palang niyang nakilalang tiyuhin niya ito. Duguan at may mga tama ng saksak ang biktima.
Agad namang humingi ng saklolo si Jhenalyn sa mga kapitbahay upang madala sa ospital at malapatan ng karampatang lunas ang biktima. Habang nasa daan ay paulit-ulit pang sinasabi ni Lito na ang responsable sa nangyaring sa kanya ay sina Edgardo at Arman hanggang sa binawian na ito ng buhay.
Dahil dito sinampahan ng pamilya ng biktima ang suspek na sina Edgardo Bobadilla at Arman Tolentino ng kasong Murder. Hangad nilang mabigyan ng hustisya ang nangyari kay Lito at umaasa silang mananagot sa batas ang mga suspek.
Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig.
E-mail address: tocal13@yahoo.com