upang doon ay puntahan ang disyerto ng Sahara;
doon kaya’y kasing-init nitong ating pulitika
na sa tuwing may eleksyon may dayaa’t patayan pa?
Ngayong summer nais ko ring ang Siberia ay masapit
upang doo’y obserbahan kung tunay nga na malamig;
doon kaya’y kasinlamig nang maraming mababait
na ang buhay ay inagaw ng kaaway na terrorists?
Ngayong summer dalangin kong sana kung Mahal na Araw
ay maging matagal sana ito’y maging limang buwan
kung mahaba ay maraming magbabawas kasalanan
na di tulad ng tradisyon na ito ay ‘sang linggo lang!
Ngayong summer ang hangad ko na bagaman at tag-init
araw-araw naman sana humangin nang malamig;
sa ganito ang maraming mangingisda’t magbubukid-
lahat sila ay masigla sa dagat man at sa bukid!
Ngayong summer pangarap kong ang halalang idaraos
maging tapat na damdamin ng botanteng maka-Diyos
na ang bawa’t boto nila ay ibigay nang mataos
sa lahat ng kandidatong sa bansa ay maglilingkod!
Ngayong summer gusto ko ring sa halalan ay bumoto
pagka’t ako’y may napili na mabuting kandidato‘-
ngunit ako’y nangangambang di pa tapos ang termino
itong aking sinamahan – anak pala ng demonyo!
Ngayong summer ay gusto kong makarating sa Boracay
upang doon ay makita ang masayang bakasyunan;
sa buhanging puti roon at bughaw na karagatan
masinag ko ang malinis na konsensya nitong bayan!
Ngayong summer ay gusto kong magbakasyon sa probinsya upang doon ay dalawin mga dating kaeskwela;
sila kaya’y nangasaan – sila kaya ay buhay pa ?
baka sila’y nangamatay nang sa Quezon ay bumaha?
Ngayong summer hangad ko rin na masapit ang Mindanao
upang doon ay makita ang buhay ng mamamayan –
sabi’y Muslim at sundalo walang tigil ang patayan
gayong sila’y magkapatid – iisa ang lahi’t angkan!