May nakapagbulong sa akin na gerilya na lang ang video karera operations ni Charito sa Malabon. Pero kahit gerilya ’yan, siyempre hindi papayag si Chief Supt. Pedro Tango, hepe ng pulisya ng Northern Police District (NPD) na mawala ang timbre ng opisina niya, di ba mga suki? Itong sinasabing gerilya operations kasi ay para lang sabihin na may ginagawa ang pulisya para masawata nga ang mga makina ni Charito. Pero sa totoo lang, itinatabi ang mga delantara at ang naiiwan ay ang mga tagong puwesto na hindi basta-basta mabunot o ma-raid, di ba mga suki? Kaya kung tuloy ang lingguhang intelihensiya ng opisina ni Tango, siyempre wala ring sagabal ang dating ng biyaya kina Mabun at Sr. Supt. Ramon de Jesus, ang hepe ng pulisya ng Malabon City. Anong sey mo Gen. Tango Sir? Ang puso mo ha?
Kung sabagay, hindi lang video karera ni Charito ang namumulaklak sa Malabon City kundi maging ang sakla at sakla-patay ni Aging Lisan, na kinidnap kuno ng mga kalalakihan noong nakaraang taon. Kung hindi mapatigil ang makina ni Charito, paano mapapatigil nina Tango at De Jesus ang sakla operations ni Aging Lisan? Imposible, di ba mga suki? Kaya habang abala si Mayor Canuto Oreta sa kampanya para ma-retain ang serbisyo niya, tiyak tuloy-tuloy ang operations nina Charito at Aging Lisan dahil diyan kukuha ng pondo ang una nga. Kaya ang happy lang sa patuloy na operation ng video karera ni Charito at sakla ni Aging Lisan ay sina Oreta, de Jesus at Tango.
Sa Laguna naman, hindi lang sina Decena at Valera ang nasa likod ng video karera operations doon. Sa Cabuyao, ang financiers ng nakalatag na mga video karera machines ay sina Molly at Minerva. Sina Bumbay at Abel naman ang financiers ng makina sa San Pablo at si Ombay sa Sta. Cruz. Isang alyas Engineer naman ang nagpakalat ng makina sa Calamba. O alam mo na kung sinu-sino ang hahabulin mo Col. Rojas Sir? Kaya matapang ang mga video karera operators sa Laguna dahil nga malakas sila sa kapulisan mo Col. Rojas Sir. Pero alam ko hindi mo sila sasantuhin. Ouch! Ilang beses na bang nagka-engkuwen-tro ang mga police raiders at ang kampo ng video karera operators ng mga pulis sa Laguna at may namatay.
Tiyak mauulit ang naturang insidente kapag hindi kumilos kaagad si Col. Rojas, di ba mga suki?
Abangan!