Nagsimula sa isang maliit na aksidente subalit nauwi sa pambubugbog ng mga pulis ang kasong inilapit sa aming tanggapan nina Dionisio Garcia at Jose Concepcion ng Bustos, Bulacan.
Ika-24 ng Pebrero 2007 Bisperas ng Fiesta sa kanilang lugar naganap ang insidente. Magkasama noon sina Jose ang kanyang pinsan na si Rolando Concepcion na tutungo sa bahay ng kanilang tiyahin na si Isabel Lazaro upang samahan ang iba pang mga pinsan na nagbabalak doon matulog. Habang binabagtas nila ang daan patungo sa bahay ng kanilang tiyahin may nakabanggaan si Jose na kung saan isang motorsiklo din ang dala nito sa may tapat ng palengke ng Bustos. Dahil sa siksikan ay hindi maiiwasan ang ganitong klase ng aksidente.
Parehas na nabuwal ang dalawang motorsiklo na nagkabanggaan at tumayo na rin ang mga ito. Hindi naman nasaktan o nasagutan ng malala ang dalawang nagka banggaan. Pagkatapos nito ay tumawag na pala ng pulis ang lalaking nakabanggaan ni Jose. Agad namang rumesponde ang pulis sa nangyaring insidente. Ang pulis na ito ay kinilalang si Reggie Valenzuela na noon ay nasa palengke lamang ng Bustos at hindi na rin ito nakauniporme. Nagulat na lamang si Jose na bigla na lamang daw siyang pinitsarahan nito.
Nakita rin ni Jose nang tumawag ng back-up itong si Valenzuela at isa pang pulis ang dumating, si Edilberto Mercado. Sa tagpong iyon ay nagdatingan na rin ang mga pinsan ni Jose na si Dionisio kasama pa ang ibang mga pinsan dahil napag-alaman nito mula kay Rolando ang nangyaring insidente.
Nakita ni Dionisio na hinihila ni Valenzuela sa kuwelyo si Jose at pilit itong isinasakay sa kanilang motorsiklo kaya naman agad nitong sinabihan ang pulis na huwag itong isakay dahil doon na lamang nila ito isasakay sa motor na may sidecar papuntang presinto ng Bustos, Bulacan.
"Pagdating sa presinto bigla na lamang akong binanatan nitong si Valenzuela sa bandang batok ko. Nakita ito ng mga pinsan ko kaya naman nakiusap itong si Dionisio na tigilan ang pananakit sa akin dahil hindi naman tama ‘yung kanilang ginagawa," kuwento ni Jose.
Dahil sa nakita ni Dionisio ang ginagawa nina Valenzuela at Mercado kay Jose ay nasabi nitong "POLICE BRUTALITY" ang kanilang ginagawa. Pilit din itong pinapasok sa loob ng kulungan si Jose. Bigla namang sinugod ni Mercado sina Dionisio at kanyang mga pinsan kaya sila ay nagtakbuhan. Sa kasamaang palad, naabutan at nahablot itong si Dionisio at bigla na lamang pinosasan ang kanang kamay at ikinabit ito sa may bakal na terrace ng kanilang himpilan.
Isa pang pulis na nagngangalang Winston Mariano at nanutok ng baril sa magpipinsan upang sila ay maglabasan sa presinto. Nang makalabas na ang mga ito ay isinara na rin nito ang gate ng presinto. Tumulong si Mariano sa pambubugbog sa magpinsan na sina Dionisio at Jose. Pinag-uuntog sa bakal ang ulo ni Jose. Dumating pa ang isang pulis na si Edgar Name na nakisuntok na rin nang makita nitong ginugulpi ng mga kasamahan niya ang magpinsan. Pilit din ipinapatikom ang bigbig ni Dionisio upang mapagilan ito sa pagsigaw at paghingi ng saklolo.
Ang hepe ng Bustos, Bulacan Police na si Carlito Marquez ay lumabas subalit ayon sa mga biktima imbes na awatin ang kanyang mga tauhan sa maling ginagawa ay kinunsinte pa niya ang mga ito. Pinapanood lang ng kanilang hepe ang ginagawang pambubugbog ng kanyang mga tauhan.
"Sinabi nitong si hepe na tawagin ang mga kamag-anak namin at magratratan na lang daw ang mga pulis at mga kamag-anak namin. Tumigil lang sila nang magsidatingan ang mga tiyuhin, tiyahin at iba pang mga kamag-anak," sabi naman ni Dionisio.
Pagkatapos noon ay ikinulong na sina Jose at Dionisio. Humingi rin ng tulong ang mga ito sa kanilang mayor, si Carlito Reyes. Nang dumating ito sa presinto ay saka pa lamang inilabas ang magpinsan at pagkatapos ay dinala sa Bustos Community Hospital subalit pinayuhan silang sa Bulacan Provincial Hospital magpasuri.
Bugbog-sarado ang inabot nina Jose at Dionisio sa mga pulis. Nagsampa ng kaso Violation of Human Rights, Grave Abuse of Authority at Grave Misconduct ang mga biktima laban sa mga pulis ng Bustos, Bulacan na nam bugbog sa kanila. Umaasa sila na mabibigyan ng hustisya ang nangyari sa kanila at mapatawan ng kaukulan parusa ang mga abusadong mga pulis na ‘yon.
Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
E-mail address: tocal13@yahoo.com