Magigimbal kayo sa kwento ni Erlinda Cancino ng Brgy. Malabago, Calasiao, Pangasinan sa sinapit ng kanyang anak. Humihingi sila ng tulong na mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kanyang anak at sa kaibigan nito.
Pang-apat sa pitong magkakapatid ang biktimang si Michael Cancino. Nag-aral ito ng kursong computer science subalit noong nasa 2nd year college ito ay pansamantalang tumigil. Nagkaroon ito ng asawa subalit hindi naman nagkaanak hanggang sa magpasyang maghiwalay dahil hindi na magkasundo ang mga ito.
Buwan ng Nobyembre 2006 nang magpaalam si Michael sa kanyang ina na magpapatuloy na ito sa pag-aaral pero sa pagkakataong ito ay Caregiver na ang kanyang kurso sa University of Pangasinan. Pangarap ni Michael na makatulong sa kanyang pamilya. Nais niyang makarating ng ibang bansa upang maihaon sa kahirapan ang mga mahal sa buhay. Pinagbigyan naman ni Erlinda ang anak sa kagustuhan nitong makapag-aral ng caregiver. Sa nabanggit na eskuwelahan ay nakilala nito si Rowena Abalos.
Dahil sa madalas na magkasama sina Rowena at Michael, naging matalik na magkaibigan at nagkapalagayan ng loob ang dalawa. Subalit lingid sa kanilang kaalaman na hindi nagugustuhan ng suspek, si George Callanta ang bagay na ito. Sinasabing si George ay kasintahan nitong Rowena. Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawa hanggang sa nauwi sa paghihiwalay ang kanilang relasyon.
Ika-24 ng Pebrero 2007 ng umaga ng huling makausap ni Erlinda ang kanyang anak. Nagpaalam ito sa kanya na may dadaluhang seminar sa Baguio at kinabukasan din ang kanilang uwi. Subalit ayon kay Erlinda, hindi naman natuloy ang seminar kaya ang ginawa ng magkakaklase ay namasyal na lamang ang mga ito sa Baguio.
Bandang alas-2 ng madaling araw ng ika-25 ng Pebrero 2005 nang umuwi na ang grupo nina Michael mula sa Baguio. Subalit hindi naman nagdiretso ng uwi ang magkaibigan dahil nakatanggap si Rowena ng text message mula kay George na sinasabi nitong nasa kanyang pangangalaga ang anak nito at puntahan sa bahay na tinutuluyan nito sa Pantal, Dagupan City. Ang bahay na ito ay pag-aari ng kapatid ni George, si Leticia na nasa ibang bansa kung kaya’t pansamantala siya ang tagabantay nito. Samantala bago pa man maging nobyo ni Rowena si George ay nagkaroon na ito ng anak sa ibang lalaki pero hindi rin naman nagsama ang dalawa.
"Nagpasama si Rowena sa anak ko na pumunta nga raw sa bahay nina George dahil andun nga ‘yung anak ni Rowena. Ayaw siguro ng anak ko na walang makakasama ang kanyang kaibigan kaya sinamahan niya ito para kuhanin," kuwento ni Erlinda.
Sa pagpunta nina Michael at Rowena sa lugar ni George ay kapahamakan ang naghihintay sa kanila. Nang dumating si Rowena sa bahay nina George, nagulat na lamang ito dahil wala naman pala doon ang kanyang anak. Doon ay isinagawa na ni George ang kanyang planong pagpatay sa dalawa.
Batay na rin sa salaysay na ibinigay ng kapatid ng suspek na si Carmencita Callanta sa harap ng mga pulis sa Dagupan City, sinabi nito na inamin sa kanya ng kanyang kapatid na pinatay nito ang mga biktima. Nagulat na lamang ito nang dumating ito sa bahay nila at ipinagtapat kung paano pinatay ang mga ito. Mabigat man sa kalooban ni Carmencita na ipahamak ang kapatid dahil nagbanta ito sa kanya na oras na may makaalam sa pangyayaring ito babalikan naman niya ang kanyang kapatid.
Natagpuan ang bangkay nina Michael at Rowena sa loob ng nasabing bahay. Nakabalot na ang mga ito sa tolda at handa na rin para ito ay itapon. Tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan gamit ang icepick at taga ng samurai ang sanhi ng pagkamatay ng dalawang biktima. Winasak din ang mukha ni Michael. Matapos makuhanan ng pahayag ang kapatid ni George ay agad namang rumesponde ang mga pulis upang siyasatin ang lugar na pinangyarihan ng krimen. Subalit pagdating nila doon wala na ang suspek.
"Nalaman namin ang nangyari sa anak ko ng may pulis na nagpunta sa bahay. Ibinalita nito na patay na ang anak ko na noong una ay hindi ko mapaniwalaan," pahayag ni Erlinda.
Sumama ang ilang mga kapatid na lalaki ni Erlinda upang kumpirmahin kung si Michael nga ang biktimang natagpuan. Hindi naman nagkamali ang mga kaanak na pag-identify sa bangkay nito. Halos mawalan ng malay tao si Erlinda nang makita niyang patay na si Michael.
Napag-alaman din na balak ng itapon ang bangkay ng dalawa subalit ang tricycle driver na kinukontrata ni George na itapon ang mga ito ay tumanggi. Kaya naman nanawagan din ang pamilya ni Michael sa driver na ito na makipagtulungan sa kanila sa ikalulutas ng kasong ito.
Sa burol ni Michael nabanggit ng isa sa mga kapatid nito na minsan silang natulog sa bahay nina George kasama rin si Rowena ay naramdaman itong may nagbukas ng pintuan ng kuwarto kung saan siya nakapuwesto subalit kung sino ito ay hindi niya alam.
Nagsampa ng kasong Double Murder ang pamilya nina Michael at Rowena laban kay George. Hangad nila na mabigyan ng hustisya ang nangyari dito at mapabilis ang proseso ng pagdinig dahil sa ngayon ay nagtatago na rin ang suspek.
Sa aking palagay, unang pinaslang si Michael dahil base na rin sa circular markings sa kanyang mga braso na nakita sa medico-legal examination na isinagawa kay Rowena. Tinahi rin ang bibig nito ng alambre upang hindi makasigaw. Para bang gustong sabihin ng suspek "ito ba ang ipinagmamalaki mong lalake na ipagpapalit sa akin?
Ipinakita ng suspek ang pagpatay nito kay Michael at pagkatapos ay siya naman ang isinunod.
Mahirap gawin ang krimen na ito ng iisang lalake lamang. Malamang may kasama siya na humawak na itinali sa leeg ni Michael upang pigilan siya. Isang may hawak na Samurai at yung isa naman ang may hawak na icepick.
Malalaman natin ang lahat ng detalyeng ito kapag malabasan ng warrant of arrest itong si George Callanta at ikanta na niya ang iba pa niyang mga kasama. Sa ngayon ay nagtatago na itong si George. Isang palatandaan na siya’y guilty at isang DUWAG!
Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong mag-text sa 09213263166 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
E-mail address: tocal13@yahoo.com