Hindi napaglalaanan ng sapat na pondo ang edukasyon sa pambansang budget. Problema iyan ng bansa sa nakalipas na maraming dekada na. At iyan ang ipinangakong ipaglalaban ni Team Unity Senatorial candidate Tessie Aquino Oreta: Ang paglalaan ng mas malaking pondo para umigi ang edukasyon sa kapakanan ng mga kabataan. Hindi ako nangangampanya para kay Oreta. Pero katig ako sa sinabi niya na dapat pagtuunang pansin ang pagpapataas sa kalidad ng edukasyon. Harinawang matupad ang pangarap na iyan ni Oreta para sa bayan kung siya’y palaring mahalal muli.
Kung edukado at matalino ang bawat Pilipino, hindi problema ang kaunlaran ng kabuhayan dahil ito ay awto matikong uusbong. Isipin na lang na kung magpapatuloy ang trend sa pagdami ng mga bobo sa bansa, darating ang araw na pati ang mga opisyal na mahahalal para magpatakbo ng pamahalaan ay walang alam. Ngayon pa lang nga ay marami nang elected officials na nagpapakita na ng kabobohan sa kanilang pagtupad sa tungkulin. Walang alam maliban sa magpataba ng sariling bulsa.
Si Oreta ay naging chairwoman ng Senate education committee nang siya’y isa pang Senadora at iyan ang pangunahin niyang krusada: Pagpapaunlad ng edukasyon. Aniya, ang pondong ilalaan sa edukasyon ay dapat katumbas ng anim na porsyento ng kabuuang halaga ng gross national product (GNP) ng bansa. Hindi kailangang maging matalino para sabihing kailangan ng bansa ang edukadong mamamayan para sa ikauunlad ng ekonomiya. Katunayan, walang Pilipino ang tatanggi sa edukasyon dangan nga lamang at ang problema’y wala silang pangtustos sa tuition.
Kaya tama si Oreta sa pagsasabing dapat sagipin ang bumabagsak na kalidad ng pagtuturo para sa kapakanan ng susunod na henerasyon ng kabataang Pilipino. Ang panukala niya ay isang one-time P30 billion special education fund para sa pagtatayo ng mga gusali at silid aralan, pagkuha ng mga magagaling na guro at iba pang pangangailangan para gumanda ang takbo ng edukasyon.