Sapagka’t nabuhay namatay na Ama;
Ang buong daigdig ngayo’y nagsasaya
Dahil ang nangyari’y kaiba talaga!
Matapos magdusa’t ipako sa krus
Si Kristo’y nagising sa Kanyang pagtulog;
Dahil Siya’y tunay na Anak ng Diyos
Pati kamataya’y Kanya ring tinubos!
Nagdusa sa krus ang dugo’y tumigis
Upang bawa’t tao’y mawalan ng hapis;
Matapos tubusin sala ng daigdig
Tatlong araw Siyang nalibing sa yungib!
Nang bago mamatay Siya ay nangako
Na Siya’y babalik sa mundong baligho;
Sa Kanyang pagbalik ay taglay sa puso
Isang kabanalang walang paglalaho!
Pangako ni Kristo ay Kanyang tinupad
Sa sangkatauhang paniwala’y ganap;
Kaya tayo ngayo’y masayang lilingap
Sa Dakilang Amang laging bukas-palad!
Kaya ngayong Pasko - Paskong Pagkabuhay
Salubungin natin Dakilang Patnubay;
At kasabay halos ng bukang-liwayway
Tayo’y dumalangin - tayo ay magpugay!
Ipagdasal nating nabuhay na Kristo
Sa lahat ng oras ay gabayan tayo;
Lahat ng hangari’t gawang makatao
Kaligtaan muna at magbanal tayo!
Kung ang hangad natin tayo ay sumikat
H’wag tayong gumawa ng hindi marapat;
Ang droga at bisyo ay talikdan agad
Upang lahat tayo’y umasensong ganap!
At ngayong tapos na ang Mahal na Araw
Lahat ng masama ay ating iwalay;
Laging isapuso laging isabuhay
Pag-ibig ni Kristo sa sangkatauhan!