Dear Mr . Tony Calvento
Sumulat po ako sa inyo dahil nabasa ko ang liham ni Candido Labagnoy na sinasabi n’ya na wala ng kaso sa lupa at gusto kong iparating sa pamilya Labagnoy at Bustos. 1970 sinasaka ng nanay ko na si Virginia Lumabao at ang unang niyang asawa na si Pacifico Labagnoy ang bukid na pag-aari ni Pedro Labagnoy, ama ni Pacifico Labagnoy. Nagbubuwis sila kay Pedro Labagnoy.
1972 dumating ang batas ng Land Reform Program na hindi na maaring isalin sa anak ang titulo ng lupa, sa halip ay Lease Contract ang ginawa. Pinirmahan ito nina Pacifico at Pedro Labagnoy. 1975 namatay ang asawa ni nanay na si Pacifico Labagnoy. Pinagpatuloy niya ang pagbubuwis hanggang sa inaway na ang nanay ko nila Candido Labagnoy na kapatid ni Pacifico at pinalalayas ang nanay ko.
Team Leader ng Agrarian reform ang nagtanggol sa nanay ko, dahil nasa nanay ko ang karapatan at covered s’ya ng PD 27 more than 15 hectars lupa ni Pedro Labagnoy sa Nueva Ecija at 20 Hectars sa Oriental Mindoro. 1975 naghabla si Candido Labagnoy sa nanay ko, noong hearing pinagsabihan sila ni Judge Serquina na dapat ay sa nanay ko na ang bukid na yon dahil kapatid naman nila si Pacifico Labagnoy na namatay. Hindi pa sila naawa giniba pa nila ang bahay ng nanay ko sa Sapang Bato Maragol Muñoz Nueva Ecija, pati gamit kunuha nila isang papag lang ang tinira. Mga hayop baka, itik, bibe, mga manok at ganza kanila ding kinuha. September 1979 dumating ang decision ni Judge Serquina na hindi aalis sa bukid ang nanay ko at nilagay nalang na back rentals ni nanay ang nakuha nilang buwis ni Candido Labagnoy ng sapilitan at hindi binigyan ng resibo ang nanay ko 120 cavans.
Taong 1980 naghabla uli sila pero na dismiss ang kaso dahil kumpleto si nanay ng buwis at hulog sa back rentals.
1982 muli naghabla si Candido Labagnoy na dismiss ulit dahil kompleto kami sa buwis. Makalipas ang walong taon nag-asawa uli ang nanay ko si Renato Lumabao. 1985 naghabla muli si Candido Labagnoy sa RTC Baloc, Sto. Domingo, Talavera, Nueva Ecija. Nalaman ni Judge Galang na hipag ni Candido ang nanay ko at nakita nitong kompleto ang resibo sa buwis at ang ginawa nilang amicable settlement 1985 to 1990.
1990 naghabla uli sila nagalit sa kanila si Judge Saguyod dahil pinipilit ni Candido na ang hulog daw ni nanay sa back rentals ay tubo lang. Sa katunayan nito, pinadadagdagan niya ito kaya pumayag naman ang nanay ko na mula sa dating 120 naging 140 cavans. Sa Brgy. Maragol, Muñoz Nueva Ecija dinala ang kaso inutos na sa harap nalang ng brgy. chairman kung saan ito ang tagapamagitan sa mga magsasaka na magkaroon ng amicable settlement mula 1990 to 1995. Dalawang beses nadismiss ang kaso may amicable settlement at hanggang 1995 pa ang tapos nito. Kahit hindi pa tapos ay settlement naghabla muli sina Candido kung saan si Judge Cacho ang may hawak ng kaso at si Wally Martinez naman ang Clerk of the board. Simula noon lagi na kaming hina-harass. Kahit Sabado at Linggo sine-sheriff kasama pa nila si Wally Martinez kahit na siya ay isang Clerk of the Board.
Lumabas ang decision Jan. 26, 1995 natalo kami at pinaalis sa lupang binubuwisan namin. Nasan na ang batas na PD 27? Umapila si nanay dahil sa amicable settlement at kumpleto kami ng resibo sa buwis, kaya lang walang abogado ang nanay ko mula nang pumanaw na ang tumutulong sa amin. Humingi kami ng abogado pero hindi kami binigyan at ang binigyan nila ‘yung may-ari ng lupa si Candido. Di po ba may batas tayo na hindi pwedeng hawakan na attorney ng DARAB ang mya-ari ng lupa mas priority dapat ang mga tenants farmer? Pero bakit parang sila pa ang kinakatigan ng attorney ng DARAB sa Talavera, Nueva Ecija?
Ang tumulong po sa nanay ko para mag-file ng Petition for Review instead na mag file ng Petition for Relief Under Rule XVI of the DARAB 2003 Rules of Procedures ay si Atty. Reña na naging Adjudicator ng DARAB sa Cabanatuan City.
Mula taong 1970 hanggang 2004 ay nagbuwis ang nanay ko sa kanila ng 96 cavans every year almost 35 years na kami nagbubuwis. Kompleto kami ng resibo sa buwis at my Lease Contract kami, pero hindi pa tapos ang kaso sa lupa dahil ito ay nasa Diliman na ‘yung case 100 at sa San Fernando Pampanga naman ‘yung isa na hawak ni Judge Erasmo Cruz. Decision na lang ang aming hinihintay.
KITANG KITA KO ANG PAGPATAY SA TATAY KO!
Hindi nila matanggap na ang minana ng nanay ko mula sa kanilang kapatid na unang asawa nito kami ang nangangalaga. Kung legal ang ginawa nila, sana sheriff ang kasama nila noong araw na pinatay nila ang tatay ko noong kami ay mag-aani na ng palay. Si Kapitan Juanito Javillonar ay pinangakuan ni Candido na kapag nakuha nila ang lupa sa amin mapupunta ang isang hektarya dito. Paano magiging legal ang pagsalakay nila noong araw na patayin nila ang tatay ko kung wala naman sa posisyon ang mga kasama nito? Ang pamilya Bustos na pawang may-ari ng mga baril ang kasama nila. Nangangahulugan na nais nila kaming sindakin o takutin noong ika-3 ng Nobyembre 2005 hanggang sa binaril nila ang tatay ko sa harapan naming magkakapatid. Alam namin na walang kaming sapat na pera katulad nila upang ipantustos sa kaso ng pagpatay nila sa tatay ko pero naniniwala po ako na mananaig ang katotohanan na sila ang responsable dito.
Namulatan ko na rin po ang ginagawa nilang pangha-harass sa pamilya ko. Kasakiman na lang siguro ang kanila gayung sapat-sapat o sobra-sobra pa ang naibubuwis namin sa kanila. Hindi nila matanggap na ang lupa ng kapatid nila ay sa pamilya namin napunta. Umaasa po kaming mabibigyan ng hustisya ang nangyari sa tatay. Dapat managot ang mga taong responsable dito at maging ang mga kasabwat pa. Umaasa po kami sa inyo Mr. Calvento na kami ay inyo pa rin tutulangan na makamit ang katarungan.
Lubos na gumagalang,
Remilyn Lumabao
Ang inyong nabasang liham ay opinyon ng anak ni Renato, Naging ugali na namin na bigyan ang magkabilang panig ng kanilang pagkakataong sagutin ang mga isyung ipinupukol sa kanila.
Para sa anumang reaksyon tungkol sa artikulong ito, maari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig.
E-mail address: tocal13@yahoo.com