Dalawa lang ‘yan sa hostage comedy na naganap sa makasaysayang kapuluan natin. Marami pang katawa-tawang eksena na patunay na tayo’y mga kasing baliw ni Ducat. Aba’y may kissing scene pa siya sa bawat bata bago palayain nang kumagat ang dilim. May footage rin na mas matapang pa ang news reporters kaysa pulis sa paglapit sa hostage-taker. May mga tao na sumisigaw  ala pelikulang "Dog Day Afternoon"  na bayani kuno si Ducat. May sinabon na matataas na PNP officials dahil nilabag lahat ng standard procedures sa hostage taking. At tayo namang lahat, timeout sa trabaho o klase, para mag-Uzi o maging usisero sa komedya sa Manila.
Dapat pinaubaya na lang sa pulis si Ducat at sa state psychologists ang mga bata. Pero hindi mapigilan ng spokesman ng Genuine Opposition na gawing election issue ang insidente  dahil umano sa kabulukan ng sistema. Hindi rin matiis ni President Gloria Arroyo mawala sa limelight, kaya ipinakaon pa sa Malacañang ang mga biktima para sa photo-ops.
At tayo naman, tuwang-tuwa na napaglalangan ng isang lunatic ang mga may kapangyarihan. May kolehiyo, nangakong pag-aaralin lahat ng 143 bata sa daycare ni Ducat. May ahensya ng gobyerno, nangako bahay at lupa. Samantala, sa kabila ng masamang ehemplo ng pagsuko sa demands ng hostage taker, nagbanta si Arroyo na huwag pamarisan si Ducat.
Aba’y paanong hindi pamamarisan si Ducat, e maluwag ang batas sa mga katulad niya? Di ba’t pangalawang beses na siyang nang-hostage at umiskandalo sa harap ng world television?