Subalit merong mga anak na makunat na ang balat, matanda at dahil sa sobrang batugan ginagawang alipin ang kanilang mga magulang na nagiging pabigat na sa buhay ng mga ito. Kung minsan nga kahit may asawa at anak na ay sa magulang pa rin inaasa ang responsibilidad na dapat sana ay gampanan nito. Isang halimbawa ay ang suspek sa artikulong tampok para sa araw na ito. Isang stepson na batugan. Sabay-sabay nating basahin ang problemang inilahad ni Ronnel Par ng Cavite sa aming tanggapan hinggil sa pagkakapaslang sa kanyang ama.
Sa loob ng labing-pitong taon nagsama ang mag-asawang Florentina at Eliseo Par, mga magulang ni Ronnel subalit dahil sa hindi magkasundo nagpasya sila na mas mabuting maghiwalay na lamang sila. Nagkaroon ng bagong kinakasama si Eliseo at ganoon din naman si Florentina. Hindi rin nagtagal naghiwalay na rin si Eliseo at ang kinakasama nito.
Sa ikatlong pagkakataon, nagkaroon uli si Eliseo ng panibagong kinakasama, si Lourdes Abrigo. May anak si Lourdes, si Dondon Abrigo na siya ring suspek sa pagpatay sa biktima. Palaging umaasa si Dondon sa ibinibigay ng kanyang ina kung saan galing ito sa paghihirap ni Eliseo.
Madalas na pag-awayan nina Eliseo at Lourdes ay ang hindi pagtatrabaho ni Dondon. Inasa na lamang nito ang lahat sa kanyang ina gayun puwede naman siyang magwtrabaho. Ang perang ibinibigay ni Eliseo kay Lourdes ay kay Dondon lamang napupunta kaya ganoon na lamang ang galit ni Eliseo sa asawa.
Imbes na payuhang magtrabaho ang anak ay kinukunsinti pa nito ang pagiging batugan. Bilang anak ng kanyang kinakasama, pinapangaralan din niya ito subalit minasama pa ito ni Dondon. Hindi naman akalain ni Eliseo na ang pagmamalasakit niypang iyon ay kapahamakan na ang idudulot nito sa kanya.
Ika-31 ng Disyembre 2006 ng gabi sa Brgy. Santol, Silang, Cavite abala ang lahat sa paghahanda sa pagsalubong sa bagong taon. Sa piggery na pag-aari ni Apolonio Baunile ay nagkaroon ng harapan at masaya namang nag-iinuman sina Dondon, Jojo at Marjhun. Naroon din naman ang ina ni Dondon, si Lourdes. Dumating din si Eliseo na noon ay katatapos lamang ng kanyang trabaho. Pinaanyayahan naman ang biktima na makisali sa kanilang inuman.
Ika-1 ng Enero 2007 bandang alas-12:15 ng madaling araw nang maganap ang insidente. Tumayo ang biktima para umihi habang sina Jojo at Dondon ay nagtatalo. Inutusan ni Dondon si Jojo na tagain ang biktima subalit tumanggi ito. Ayaw sumunod ni Jojo kaya nauwi sa pagtatalo ang lahat. Sinabi ni Jojo kay Dondon na hindi niya kayang tagain si Eliseo dahil wala namang ginagawang masama ito sa kanya.
Nang hindi sumunod si Jojo, tumayo naman itong si Dondon. Hindi naman akalain ni Jojo na totohanin nito ang nais niyang pagpatay sa biktima. Kumuha siya ng tubo na ginagamit na panghataw sa pagkakatay ng baboy. Ito ang ginamit ng suspek para tapusin ang buhay ng kanyang amain.
"Nang tumayo na si Dondon nakaplano na pala niyang patayin ang tatay ko na wala man lang kalaban-laban sa kanya," sabi ni Ronnel.
Sinundan ni Dondon ang biktimang si Eliseo. Habang nakatalikod ito ay saka nito pinagpapalo ng tubo ang biktima hanggang sa mawalan ito ng malay. Hindi rin nakuhang awatin ni Lourdes ang kanyang anak habang walang awa nitong pinagpapalo ng tubo ang biktima.
Nagulat na lang din ang mga kainuman ni Dondon sa ginawa niya kay Eliseo. Walang nagawa ang mga ito para tulungan o awatin man lang dahil sa takot nila na baka sila naman ang balingan ng suspek at gawan ng hindi maganda.
Matapos ang ginawang krimen nakuha pang humingi ni Dondon ng pera sa kanyang ina. Nang wala itong maibigay sinabi nitong ang biktima ang may pera kaya kuhanin na lamang niya ito at gamitin sa kanyang pagtatago. Pagkatapos makuha ang pera hinataw pa uli sa mukha ang biktima ng suspek at mabilis na tumakas sa pinangyarihan ng krimen. Hindi na rin nadala pa sa ospital ang biktima dahil noon din ay binawian ito ng buhay dahil sa mga palo ng tubo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
"Wala na rin ang kinakasama ng tatay ko. Pati siya ay nagtago na rin kasama ng kanyang anak," pahayag ni Ronnel.
Nagsampa ng kasong Murder ang pamilya ni Eliseo laban sa mag-inang Dondon at Lourdes Abrigo na ngayon ay nasa Provincial Prosecutor ng Imus, Cavite. Hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ang pamilya sa preliminary investigation.
Hangad nila na mabigyan ng hustisya ang nangyari kay Eliseo. Umaasa silang magiging mabilis ang imbestigasyon upang pagbayaran ng mga suspek ang ginawa nilang krimen.
Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig.
E-mail address: tocal13@yahoo.com