Graduation Day

Graduation Day ay masaya pagka’t ito’y isang araw

na ang mga kabataa’y nagtapos ng pag-aaral;

Ito’y isang araw pa ring nagdiriwang ang magulang

Sa mahabang sakripisyo ay hihintong sandalian!

Ito’y isang tanging araw na sa buhay estuyante

Walang araw na sinayang upang siya’y mapabuti;

Bawa’t oras na lumipas mahalaga’t tanging-tangi

At ang bungang ninanais ay hangad ng buong lahi!

Graduation Day ay lagi nang tampulan ng pagdiriwang

Pagka’t isang araw itong malalim ang kahulugan;

Ang sino mang sumasapit sa ganitong karangalan

Ay nagkamit ng biyayang mas higit sa kayamanan!

Diploma ng pagtatapos ang ngayon ay tatanggapin

Simbulo ng karununga’t kayamanang walang maliw –

Kayamanang hindi ginto hindi perang nagmamaliw

Pagka’t ito’y nasa diwa nasa puso at damdamin!

Ang salapi, ginto’t pilak nakakamit – nawawala

Pero itong karunungan kung matamo’y pambihira;

Marami ang nagnanais na ang dunong ay makuha

Subali’t iilan lamang ang mapalad na nilikha!

Saka itong Graduation Day tanging araw na masaya

At sa sobrang kasiyahan marami ang naluluha;

Lumuluha ang magulang pagka’t sila’y nakawala

Sa gastusi’t sakripisyong sa kanila’y tanikala!

Saka ngayong Graduation Day lumuluha rin ang anak

Ngunit iyon ay pagluha na may sigla saka galak;

Sa paano’y nakatawid sa araling mabibigat

Na kung hindi maninimbang sasakmalin s’ya ng dagat!

Show comments