‘Gutom’

KAMAKAILAN, iniulat ng Social Weather Station ang hinggil sa lumalalang problema ng kagutuman sa ating bansa kung saan mahigit 13 milyong pamilya ang nakararanas na hindi kumain isang beses isang araw sa nakaraang tatlong buwan.

Ayon pa nga sa SWS, ang 19 percent ay naitala na noon pang Nobyembre samantalang double-digit na ang hunger incident noong 2004, isang buwan matapos ang maruming 2004 presidential elections.

Ang nasabing ulat, sabihin pa, ay isang malaking sampal sa mukha ng administrasyong Arroyo na palagi na lang nagyayabang sa umano’y economic gains ng bansa at pag-angat ng kalidad ng pamumuhay ng bawat isa sa ilalim ng kanyang liderato. Kaya nga, hindi na rin ako nagtataka kung bakit kahapon ay nabasa ko sa mga peryodiko na kahit si GMA ay umamin na maging siya ay nakaranas magutom at lumiban sa pagkain sa nakaraang tatlong buwan.

Dangan nga kasi, hindi epektibo ang kanyang sariling hunger and anti-poverty program kung kaya upang makaiwas sa nagdudumilat na katotohanan, itinuro na lang niya ang sariling karanasan.

Lamang, isa na namang makitid at mababaw na palusot ang tinuran ni GMA. Sino kaya ang gusto niyang paniwalain sa kanyang tinuran?

Kaiba sa mga natanong sa SWS survey na kaya hindi makabili kahit noodle upang ipanlaman sa kanilang kumukulong sikmura ay dahil sa kahirapan at kawalan ng salapi, alam ng lahat na maari ngang nalipasan ng gutom si GMA subalit ito ay dahil abala siya sa kanyang trabaho. Kahit anong oras naman na magustuhan niya ay puwede siyang kumain. Nang mga pagkain pa nga na hindi kailanman kayang bilhin o kaya ay malasahan man lang ng mas nakararaming masang Pilipino.

Nalulungkot tayo na sa halip gumawa ng mga epektibong programa upang iangat ang kabuhayan ng ating mga kababayan at maibsan ang insidente ng gutom, pulos pagpapalusot na lang ang kayang gawin ng administrasyong Arroyo.

Show comments