EDITORYAL — ‘Diyaryong disente ng masang intelihente’

KUNG hindi pa ninyo napapansin ang pagbabago sa logo ng Pilipino Star NGAYON, muling tingnan ang page 1. Mababasa n’yo sa ibaba ng Pilipino Star NGAYON ang mga salitang "diyaryong disente ng masang intelihente". Iyan ang bagong tatak na isinisigaw ng Pilipino Star NGAYON simula sa araw na ito. Mula sa "diyaryo-magasin ng masang in-na-in", isang diyaryong lalo pang pinagbuti at disente para sa masang matalino ang aming ihahatid sa inyo. Diyaryong malinis, mapagkakatiwalaan, punumpuno ng mga impormasyon at hitik sa mga maiinit na balita. Ito ang diyaryong hindi dapat isnabin.

Marami nang nagsulputang mga tabloid ngayon at may ilan na pilit na ginagaya ang porma, kulay, ganda at kalinisan ng Pilipino Star NGAYON. Maski ang cover at tipo ng font na ginamit ay kinokopya, pati ang mga laman pero sabi nga, walang makahihigit sa orihinal. Kahit na paulit-ulit na gayahin, makikita pa rin ang kaibhan ng Pilipino Star NGAYON, isang tabloid na maaaring maiuwi ng isang ama sa kanyang tahanan. Hindi katulad ng ibang mga tabloid na kailangang itago sa mga anak sapagkat pawang kalaswaan ang nilalaman.

Noong nakaraang Marso 17, nagdiwang ng ika-21 anibersaryo ang Pilipino Star NGAYON. Dalawang dekada nang mata ng sambayanan ang Pilipino Star NGAYON at patuloy pang magiging mata at taga-ulat ng mga nangyayari sa bansa. Ang kaunlaran at katatagan na tinatamasa ng Pilipino Star NGAYON ay utang namin sa walang pagsawang pagtangkilik ng masang intelihente. Kung hindi intelihente ang masang Pinoy hindi nila tatangkilikin ang Pilipino Star NGAYON at magkakasya na lamang sila sa mga tabloid na hindi disente at mga kalaswaan ang nilalaman.

Dahil intilehente ang masang tumatangkilik sa Pilipino Star NGAYON, marami namang inihandang putahe ang diyaryong ito para lalong ganahan ang mambabasa. Bukod diyan, patuloy ang pagpapaulan nang malaking premyo sa TRIVIA raffle kung saan P1 milyong piso ang mapapanalunan. Nalilibang na pagbabasa at maaari pang maging milyonaryo.

Kaya ang "diyaryong disente ng masang intelihente" na ang inyong piliin.

Show comments